Nauwi na sa probinsya ng Romblon nitong Huwebes, Hunyo 11, ang labi ng sundalong nasawi sa Patikul, Sulo noong ika-5 ng Hunyo matapos maka-engkwentro ang mga miyembro ng Abu Sayyaf.
Lumapag bandang alas-10 ng umaga sa Romblon Airport ang sweeper’s flight ng Philippine Air Force sakay ang labi ni Sgt. Tonny Rey S. Espenida kasama ang anim na kapamilya nito na sumundo sa kanya sa Manila.
Sinalubong sila ng mga kasamahan sa Philippine Army ni Sgt. Espenida na nagpakita ng pagpupugay sa nasawing sundalo.
Dadalhin ang labi ni Espenida sa kanyang tahanan sa bayan ng Sta. Fe, Romblon kung saan siya ibuburol at ililibing.
Maalalang si Espinda kasama sina Cpl. Richard Gulac, PFC John Eric Bustamante, at CAA Almaher Issan ng 6th Special Forces Battalion ng Philippine Army ay nakasagupa ang mga miyembro ng teroristang grupong Abu Sayyaf habang sila ay nagpapatrolya sa Sitio Lagaron, Barangay Kan-ague, Patikul Sulo.
Nagtagal ang putukan ng mahigit 40 minuto na nagresulta sa pagkamatay ng apat, at pagkasugat ng 15 pa nilang mga kasama.