Sa tinagal-tagal na panahon, ilang beses na tayong nakatatanggap ng balita tungkol sa mga insidente ng pasyenteng namatay dahil tinanggihan o hindi tinanggap ng ospital dahil walang pambayad bilang deposito na hinihingi ng pribadong ospital.
Nitong nakalipas na mga araw kung saan marami ang nagkakasakit bunga ng COVID-19, ilang reklamo na ang nababalita tungkol sa mga pasyenteng hindi tinatanggap ng ilang ospital. Ang ibang ospital, napaka-tulisan, abay nag-aatubili tanggapin ang ilang pasyente kapag nakitaan ito ng sintomas ng virus gaya ng hirap sa paghinga. Mas inuuna ang kita keysa sumagip ng buhay.
Baka puwede pang palampasin ang ganung insidente kung hindi handa at hindi sapat ang pasilidad ng ospital na tumanggap ng pasyenteng posibleng COVID-19 patient. Ngunit kung ang pangunahing dahilan ng isang ospital na tanggihan ang isang pasyente dahil walang pagbayad sa hinihinging pangdeposito, aba’y foul ‘yan.
Ang mga ganitong insidente ang dahilan kaya nagpasa ang Kongreso ng Anti-Hospital Deposit Law, na sinusugan at pinalakas pa noong 2017, sa ilalim ng adminitrasyon ni Mayor President Digong Duterte. At sa kaniyang mga nakaraang national address, aba’y paulit-ulit ang pahayag ng pangulo sa mga ospital na huwag tatanggihan ang mga pasyente dahil mananagot sila.
Alam ba ninyo na tinangka pa ng asosasyon ng mga pribadong ospital na harangin ang naturang batas nang dumulog sila sa Korte Suprema para ibasura ang Anti-Hospital Deposit Law. Pero belat nila dahil ibinasura ng mga mahistrado ang kanilang apela noong 2018.
Kaya kung pagbabatayan ang apelang iyon ng samahan, makikita mo na mayroon talagang mga pribadong ospital na mukhang pera at walang balak na sumunod sa batas. Kaya hindi rin mawawala ang mga sumbong at insidente na may pasyenteng mamamatay dahil hindi inasikaso ng ospital dahil walang pangdeposito.
Ang problema nga lang, makakabalita tayo na magsisiyasat ang isang ahensiya tungkol sa mga inirereklamong ospital na lumabag sa Anti-Hospital Deposit Law pero pagkaraan ng linggo, buwan at taon, wala kang mababalitaan pa kung anong nangyari sa imbestigasyon.
Ano ba ang parusa sa ospital na lalabag sa Anti-Hospital Deposit Law? Nakasaad sa batas ang multang mula P100,000 hanggang P300,000, at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon. Kung makakatatlong ulit na paglabas, maaaring tanggalan ng lisensiya ang ospital. Ang tanong ng ating mga kurimaw, ilan na kaya ang napatawan ng multa at kung may naipasara na kaya?
Kung naipasara, baka wala; pero kung multa, baka mayroon pero yakang-yaka nila tiyak ang P100,000 hanggang P300,000 dahil isa o dalawang singilan lang ‘yan sa pasyenteng mayaman. Pero papaano ang mga hikahos na walang ibang mapagdadalhan sa pasyente nila?
Gaya ng insidente ng isang babaeng nanganak sa bahay sa tulong ng komadrona. Dito palang sa panganganak sa bahay at komadrona, alam mo nang gipit sa budget ang pamilya. Maayos namang naisilang ang sanggol pero naiwan sa sinapupunan ang “inunan” ng bata at dinugo na ang ginang. Kaya dinala na sa ospital ang babae pero kulang sa pasilidad ang unang pinagdalhan sa kanila kaya inirekomendang ilipat.
In-short mga tsong, may isang malaking pribadong ospital na pinagdalhan sa ginang na nanghingi raw ng malaking deposito at kulang ang pera ng mga kasama niya. Kaya inilipat uli siya hanggang sa maka-anim na ospital hanggang sa naubusan na siya ng dugo at namatay. Ang tanong, kung hindi naging ganid sa deposito ang malaking pribadong ospital at inoperahan kaagad ang ginang at nasalinan ng dugo, nabuhay kaya pasyente at lalaki ang sanggol na kapiling ang ina niya?
Ano ba ang mas mahalaga, pera o buhay? Kung si Ginoong Ramon Ang ng San Miguel Corporation ‘yan, malinaw ang kaniyang magiging sagot—buhay. Magiging magandang legacy at marami ang matutuwa kay President Mayor Duterte kapag sa ilalim ng kaniyang termino eh may nasampolan ng mga ganid na ospital na ayaw makinig sa kaniyang pakiusap at babala.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)