Ang daming nangyayari sa ating mundo. Sunod-sunod ang mga mabibigat na pagsubok na ating kinakaharap. Sa kasalukuyan tayo ay humaharap sa matinding laban…ang laban sa virus na COVID19 na naghahatid ng malaking takot, pagkabahala, pangamba, aligaga at negatibong mga isipin sa lahat ng sulok ng mundo. Sinusubok na naman ni Lord ang hangganan ng ating pagtitiwala at tibay ng pananampalataya sa Kanya. Ang mga nararanasan nating ito ay patunay na nakikita Niya ang lahat.
Ayon sa mga balita na maaaring ang pinagmulan ng lahat ng ito ay gawa na rin ng mga tao na salungat sa Kanyang mga kagustuhan at kalooban. Maaaring ito ay paraan ni Lord para maitama natin ang lahat. Para tayo ay magising at matauhan mula sa ating mga kamalian at pagkakasala. Pero kailangan pa nga ba na tayo ay subukin ng Diyos para makaalala sa Kanya? Na para tayo ay magkaroon ng oras sa Kanya? Kailangan pa ba ng mabibigat na problema para tayo ay magbago at talikuran ang mga masasamang gawa? Kailangan pa ba tayong mapahamak, magkasakit, masaktan, magdusa at dumaan sa matinding hirap at problema para kilalanin natin Siya? Nakakalungkot mang isipin pero halos ganun na nga ang nangyayari sa ating paligid. Kailangan pa nating madapa, magkamali at mabigo para lang tayo matuto.
Isa ako sa mga taong kinailangan pang dumaan sa matinding pagsubok para maalala ko ang Diyos. Noong mga panahong na napakalakas ko pa at walang kapansanan ay halos wala akong panahon na magsimba o pumasok man lang ng simbahan para manalangin at purihin Siya. Hindi rin ako araw-araw nagdarasal noon. Hindi man lang ako nakakaalala na Siya ay pasalamatan sa bawat biyaya na aking natatanggap. Mga pagkakasala na nagawa na sa huli ay ang matinding pagsisisi.
Hanggang sa dumating ang araw na subukin ako ng Diyos. Hinayaan Nyang magkaroon ako ng karamdaman na hanggang ngayon ay di pa malaman ang dahilan at hindi pa malunasan. Isang dekada ng pagiging paralitiko at isang bilanggo sa apat na sulok ng aking bahay kubo. Paano ko nga ba nakakayanan ang lahat ng ito. Ang mabuhay ng hindi nakakabangon ng literal sa kinasasadlakang sitwasyon. Ang pagtibay ng aking pananampalataya at pagbibigay ng tiwala sa Kanya ay nagsimula ng araw na hindi na ako tuluyang makatayo. Nagsimula akong magdasal mula sa aking puso at may kasamang pagluha. Ang paghingi sa Kanya ng kapatawaran sa mga nagawa kong kasalanan. Ang paghingi sa Kanya ng habag sa matinding pagsubok na aking kinakaharap. Ito nga siguro sa akin ay pagdidisiplina ng Diyos.
Pero mas nanaig sa akin ang katotohanan na ito ay isang paraan ni Lord para ako ay mailigtas sa mas marami pa sanang pagkakasala. Mas nagpasalamat pa nga ako sa Kanya sa mga nangyari sa akin dahil mas nakilala ko Siya. At napagtanto ko na ang lahat ng mga bagay dito sa mundo ay walang tunay na halaga kung hindi natin Siya kilala at kung hindi natin sinusunod ang Kanyang mga salita. Ang pagkilala ko sa ating Diyos ay para maitama at mailayo Niya ako sa mas marami pang pagkakamali.
Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may hangganan at may katapusan. Ang mga pagsubok ay matatapos din at ating malalapagsan. Tanggapin natin ang lahat ng ito ng may kaluwalhatian. Siguro paraan lang ito ni Lord para maitama ang ating mga pagkakamali. Ang mamulat tayo sa katotohanan na tayo ay tao lamang at hindi natin Siya dapat pangunahan at lagpasan. Alam ko ang lahat ng nararanasan nating paghihirap ay may katumbas na ginhawa.
Sa mga panahon na ito na kailangan muna nating pumirmi sa loob ng ating mga tahanan para sa kaligtasan ng lahat ay isang magandang paraan para tayo ay magnilay-nilay at mas mabigyan natin ng oras na magpasalamat at alalahanin ang ating Poong Maylikha. Sa bilis ng takbo ng panahon, ang iba sa atin ay nakakalimot na tumawag sa Kanya. Dahil sa kaunlaran at makabagong mga kagamitan ay nawawala na ang ating pokus at atensiyon na magbasa ng Bibliya at makapagsimba.
Sana tanggapin natin ang lahat ng ito ay paraan ni Lord para tayo ay yakapin at para sabihin sa atin na hindi lang dapat sa oras ng mga pagsubok tayo tumawag sa Kanya. Bagkus sa oras din ng ginhawa at saya. Tanggapin natin ito bilang mensahe mula sa Diyos at bilang kaparaanan Niya para matuto tayong magpasalamat sa lahat ng biyaya at huwag natin itong abusuhin at dapat nating pahalagahan ang bawat pagpapala na mula sa Kanya.