Posibleng may mabigat na pasyang kailangan gayin ang ilan sa ating mga Pinoy nurse na matagal nang panahon na hindi nabibigyan ng sapat na pansin sa Pilipinas: Unahin kaya nila ang bayan o ang sarili?
Dahil dumadami ang kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Europe, UK at Amerika, may mga bansang ikinukonsidera na mag-import ng mga Pinoy nurse dahil alam nila ang husay ng mga kababayan natin at marunong pang mag-ingles.
Kung tutuusin, bago pa man magkaroon ng krisis eh may mga bansa nang nakikipag-ugnayan sa Pilipinas para sa pagkuha ng mga Pinoy nurse. Pero hindi pa nga lang naipatutupad ng ibang bansa ang pagkuha ng mga nurse natin dahil sa ilan pang requirement tulad ng mga test at pagproseso sa mga dokumento.
Ngunit dahil sa matinding pangangailangan ng mga bansang may matinding kaso ng COVID-19, handang luwagan ng iba sa kanila ang patakaran para mapabilis ang pagkuha sa mga kababayan natin nurses. Marami rin kasing mga health workers sa mga bansang ito ang nahahawahan ng pasyente ng virus o kaya eh nagka-quarantine dahil na-expose sa pasyenteng positibo sa virus.
Ang kaso, ang problema ng mga ibang bansa sa kakulangan ng nurse eh problema na rin natin dito. Dahil sa dami nga pasyente tulad sa Amerika, nagkukulang na rin sila sa PPEs ng mga health workers nila. Sa Pilipinas, hindi pa naman talaga kasing lubha ang sitwasyon katulad sa ibang bansa, pero mantaking mong problema na rin natin ang PPEs.
Ang ipinagtataka nga ng mga kurimaw natin, kabi-kabila ang mga balita ng donasyon ng PPEs mula sa ibang bansa, pribadong sector at kung saan-saan pa pero sumisigaw pa rin ang mga bayaning health workers na padalhan sila ng PPEs. Ang tanong tuloy, nasaan ang mga donasyon? Ngayon nga eh may ibinida ang Department of Health na 1 milyong PPEs daw ang kanilang binili na bilyon ang halaga. Aba’y bakit ngayon lang?
Dahil dumadami ang mga nurse at maging ang mga duktor na nawawala sa laban dahil kailangang mag-quarantine, nanawagan ang DOH ng mga “volunteer” health workers na bibigyan ng allowance na P500 isang araw. Pero may dagdag pa naman daw na iba pang benepisyo doon gaya ng libreng tsibog at hazard pay. Aabot kayo iyon ng P1k?
Kung isa kang nurse na kabilang sa mga puwedeng mag-aplay o kunin ng US o iba pang bansa sa UK o Europe at may alok na sahod na aabot sa P50,000 hanggang P100,000 sa isang buwan para tumulong sa laban sa COVID-19 sa kanilang bansa, saan ka? Sa sarili mong bayan na kailangan ka ng iyong mga kababayan na P500 ang allowance, o sa abroad na kung susuwertihin kang hindi mahawahan ng virus eh tiyak na tuloy-tuloy na ang trabaho mo roon?
Noon pa man ay sinasabing napapabayaan ang mga nurse natin dahil na rin siguro sa marami ang kumukuha ng kursong ito. May isa nga tayong tsokoran na nagsabing may kilala siyang estudyanteng nurse na nagbabayad sa ospital para makapag-OJT lang.
May bagito namang nurse na kinakagat ang maliit na sahod kahit na magpakaalipin sa duty para lang makakuha ng experience dahil requirement sa pag-a-abroad. May isa pang nurse na ilang taon nang nagtatrabaho sa isang government hospital pero napipilitan ding mangibang-bayan dahil sa liit din ng sahod.
Ngayong may krisis dahil sa virus, bagong bayani ang turing sa mga nurse kasama ng mga duktor at iba pang medical workers na itinuturing frontliners. At dahil kailangan din sila ngayon sa bansa, may mungkahi ang ilang mambabatas na itigil muna ang pagpapadala ng nurse sa abroad. Pero kung ang isang kurimaw natin ang tatanungin, dapat daw na hayaan ang mga nurse na magpasya kung nais ba nilang “magsilbi” o “magtrabaho.”
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)