Minsan akong nanaginip: nalulunod raw kami sa dagat ng kapatid ko. Nakasampa siya sa aking likuran at akmang malulunod na kami ng tuluyan sa kailaliman ng karagatan, nang bigla akong napatingala sa itaas.
Nakita ko ang liwanag na nagmumula sa kalangitan kung saan may isang malaking tali ang nahuhulog papunta sa aming direksyon. Kumapit daw ako sa tali at hinila kami pataas at kami ay naligtas.
Isa lang yan sa napakarami kong panaginip na nakakatakot na pangyayari o di kaya ay pakikipaglaban sa kung anong mga nilalang kung saan laging may dumarating na tagapagligtas habang ako ay nakikipaglaban at ito’y lagi kong napagtatagumpayan.
Alam ko na paraan ang mga iyon ng Panginoon para sabihin Niya sa akin na ipagkatiwala ko sa kanya ang lahat at hindi Niya ako kailanman pababayaan.
Sa mga hindi kanais-nais na mga pangyayari sa ating paligid ay nakakapagdulot ito sa atin ng mga negatibong kaisipan, nakakapanghina ng ating kalooban, nakakapanlumo na ating katauhan at nagpapahiwatig sa atin ng kawalan ng pag-asa.
Hindi naman mawawala sa atin ang makaramdam ng mga ganitong bagay lalo na kung ito ay dahil sa mga nararanasan nating sunod-sunod na kalamidad dahil tayo ay tao lamang at ito ay isang patunay na may Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Dito nasusubukan ang ating pananampalataya sa Kanya at kung hanggang saan ang pagtitiwala natin sa Kanya.
Pero lagi nating itanim sa ating isip at ating puso na ang awa ng Diyos ay walang hanggan, ang Kanyang pagmamahal ay walang katapusan, at higit sa lahat ang Kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Ang mga pagsubok, mabibigat na problema, at ibat-ibang sakuna ay pawang mga pagsubok lamang at laging may katapusan dahil ang lahat ng nangyayari sa ating buhay ay may dahilan at ang lahat ng ito ay mula sa Kanya. Ito ay isang paraan ng Diyos para tayo ay tumawag at magtiwala sa Kanya.
Napakabilis ng panahon. Madami ng pagbabago. Kaybilis umusad ng mundo hatid ng kaunlaran.
Isang dekada na akong ganito, isa pa ring paralitiko. Siguro ang iba ay makakapagsabi na wala na talaga akong pag-asang makalakad muli dahil wala naman silang nakikitang pagbabago kung pagbabatayan ang aking mga larawan na ipinapakita sa Social Media. Lagi na lang akong nakahiga at kahit maka-upo ng normal ay hindi pa rin magawa.
Ang pagbabahagi ko ng buhay sa Social Media ay isang paraan ko para ako ay makapagbahagi man lang ng kahit kunting lakas ng loob sa mga taong may mabibigat na suliranin at pagsubok sa buhay na anuman ang sitwasyon at kakulangan natin sa buhay ay kaya nating harapin at ating kakayanin.
Hindi man maipakita sa aking mga larawan na ako ay tuluyan ng nakakabangon ngunit mapapatunayan ko naman ito kung paano ako ibinabangon ng Diyos sa matinding kapighatian at hirap na dulot ng pagsubok. Sa kabila ng aking kapansanan, ay nagagampanan ko ang pagiging isang Ina, kumikita ako sa paggagantsilyo at naibabahagi ko sa ibang tao ang lakas at kabutihan ng Diyos sa aming buhay sa pamamagitan ng pagsusulat.
Mas bumuti na po ang kalagayan ko kaysa sa maraming taon na lumipas. Marami na akong napuntahang lugar lulan ng aking reclining wheelchair.
Isa sa pinakamagandang nangyari sa akin noong nakaraang 2019, ay ang maging tagapagsalita ako para sa mga kabataan ng aming simbahan. Kahit napakalayo ng lugar na aming pinuntahan ay naging posible ang lahat at maayos ang aking pakiramdam sa buong biyahe. Hindi ako nakaramdam ng pagkapagod at pagkahingal sa halos isang oras na pagsasalita ko sa harap ng maraming kabataan.
Napakasarap sa pakiramdam ang makita at malaman kung gaano ko sila nabigyan ng inspirasyon sa kabila ng aking kalagayan. Ibinahagi ko sa kanila kung gaano kabuti ang Diyos sa aming buhay at Siya lamang ang kasagutan sa lahat. Ang magdasal at magtiwala sa Kanyang mga kaparaanan.
Tunay nga po na kaybuti ng Diyos sa bawat isa sa atin. Ang mga mabibigat na suliranin at mga hindi kaaya-ayang nangyayari sa ating buhay ay kaya nating labanan at mapagtagumpayan. Napakaraming paraan ang Panginoon para tayo ay Kanyang tulungan basta patuloy lang tayo na magtiwala sa Kanya.
Anuman ang sitwasyon natin o matagal man dumating ang mga kasagutan sa ating mga ipinagdarasal ay huwag po tayo mapagod na magpasalamat sa Kanya. Huwag po tayong mapagod na magtiwala sa Kanya dahil napakaraming magagandang bagay ang nangyari sa ating buhay.
Mas marami ang nag-uumapaw na biyaya kaysa sa mga problema at ito ay mula sa ating Diyos na lumikha. Ang pagkakadapa natin sa buhay, ay isang paraan lamang para matuto tayong lumuhod, tumingala sa itaas, at sa Kanya ay makaalala at kumilala. Sa oras ng ating laban ay Siya ang dapat nating kapitan at sa oras ng ating pagbangon, ay Siya ang una nating dapat lapitan at pasalamatan.
Sabi nga ng isang patalastas sa TV, “Laban lang Alaxan!”, laban lang tayo at ang gamot ay pagdarasal. Alalahanin natin ang Panginoon palagi at laging pasalamatan. Lakasan lang natin ang ating mga kalooban at ang lahat ay ipagkatiwala sa Kanya.