Bilang paghahanda ng bayan ng Odiongan sa novel coronavirus (2019-nCoV), nagpatawag na ng iba’t ibang pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Odiongan at ang sangguniang bayan nitong nakalipas na mga araw.
Sa pinakabagong pagpupulong nitong Sabado ng umaga, inatasan na ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station na magsagawa ng mga checkpoints sa Barangay Panique at Barangay Tulay upang matingnan kung may mga turistang dadating sa Odiongan na may posibilidad na nanggaling sa China nitong nakalipas na mga araw.
Maglalagay na rin umano sa pantalan sa Odiongan ng kapulisan, at mga tauhan ng Rural Health Unit na magbabantay naman sa mga dumadating na pasahero mula Batangas, Caticlan, at Mindoro.
Samantala, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ang Sanitation Office ng bayan ang magtutulungan kung sakaling magsasagawa ng disinfection operation.
Sa darating na Lunes, Februay 03, inaasahang mamamahagi na ng mga flyers patungkol sa 2019-nCoV ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga matataong lugar katulad ng paaralan, palengke, at plaza.
Nakiusap naman ang alkalde ng Odiongan sa pamamagitan ng kanyang Facebook account na huwag mag panic sa mga ganitong sitwasyon dahil wala pa namang naitatalang kaso ng 2019-nCoV sa probinsya.
“Kung may nakita tayong bisita na baka galing ng China o sa ibang bansa na apektado ng nCoV (Hongkong, Taiwan, South Korea, Thailand) ay paki report sa inyong barangay officials para ma icheck,” ayon sa alkalde.