Limang turista na nagmula sa China ang binabantayan ngayon ng mga otoridad sa Carabao Island, Romblon, ayon sa Rural Health Unit (RHU) ng bayan ng San Jose, dahil parin ito sa banta ng novel coronavirus o ang 2019-nCoV.
Ayon kay Dr. Ian Buluag, Municipal Health Officer ng bayan, isinama ang lima sa persons under monitoring (PUM) dahil nagmula sila sa China, at sa mga administrative region nitong Hongkong, Macau, at Taiwan.
Ang lima ay binubuo ng dalawang grupo, kung saan ang dalawa sa kanila ay nasa ika-7 araw na ng monitoring, habang ang tatlo sa kanila ay nasa ika-10 araw na ng monitoring.
Batay sa pagsusuri ng Municipal Health Office, wala naman umanong ipinapakitang sintomas ng 2019-nCoV ang limang turista kaya wala dapat umanong ikabahala ang mga residente ng isla.
Samantala, naglabas na ng executive order si Mayor Ronnie Samson ngayong araw kung saan naguutos sa mga kawanni ng gobyerno sa isla na higpitan ang pagbabantay sa mga turistang bibisita sa bayan para maiwasan ang nasabing sakit.