“Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa Siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito”. – 1 Corinto 10:13
Minsan dumarating tayo sa punto ng ating buhay na nakakaramdam na tayo ng pagkapagod, panghihina at pagkabagot sa di magandang kinasasadlakan nating sitwasyon. Minsan natatalo na tayo ng mga negatibong bagay at mga di kanais-nais na pangyayari sa ating paligid.
Ang walang katapusang problema at mga pagsubok sa araw-araw ay siyang kumikilatis kung gaano tayo katatag at katibay bilang tao. Dito nasusubukan ang ating pananampalataya sa Diyos at kung hanggang saan ang pagtitiwala natin sa Kanya, na akala natin ay wala ng kasagutan at solusyon ang ating mga problema.
Pero minsan lang naman ‘yan dahil mas madalas ang biyaya ng kabutihan at pagmamahal ni Lord. Kaylangan lang natin na patuloy na magtiwala at maniwala sa Kanya, huwag tayo patatalo sa mga suliranin at huwag tayo panghinaan ng loob dulot ng mga pagsubok bagkus tayo ay maging matibay at positibo. Huwag tayong makakalimot na tumawag sa Kanya.
Tayo ang Kanyang pinakamahalagang nilikha dito sa mundo, Tayo ang pinaka-espesyal sa lahat ng Kanyang nilalang dahil tayo ay mga Anak ng Diyos. Binigay Niya sa atin si Hesu Kristo para tayo ay tubusin sa ating mga pagkakasala, kaya kaylanman ay hindi Niya tayo pababayaan.
Sa sitwasyon ko na ito na siyam na taon ng paralitiko noong nakaraang buwan ng Agosto, patuloy akong nagtitiwala Poong Maylikha at pagkapit sa pag-asa. Habang tumatagal mas lalo akong tumitibay at lumalakas kasabay ng pagiging matatag ko sa pananampalataya sa Kanya.
Aaminin ko na minsan ako’y nakakaramdam ng panghihina at nadadarang ng tukso ng pagsuko na lang dulot ng takot ng pag-iisa sa aking kubo at pagkabahala para sa hinaharap ng aking anak. Marami pa ring mga negatibong bagay na umuukilkil sa aking isipan pero daglit ko itong tinatanggal at nilalabanan dahil mas nananaig ang mga kabutihan na aking natatanggap mula sa Kanya.
Mas iniisip ko ang mas magagandang plano pa Niya para sa akin. Hindi ko na iniisip ang haba ng panahon na ako ay ganito pa rin.
Mas lumalakas ako sa oras ng panghihina, mas tumatapang ako sa mga araw ng pagkatakot at mas nabubuhayan ako ng loob sa mga panahon na ako ay nakakaramdam ng pagkapagod dahil noon pa man ay ipinaubaya ko na sa Kanya ang lahat.
Lagi kong pinasasalamatan ang bawat biyaya na aking natatanggap, ito man ay maliit o malaki. Hindi kaylanman nagpabaya ang Diyos. Ang mga mumunting bagay at simpleng pagbabago na aking nararanasan ay isang malaking milagro na mula sa Kanya.
Mula sa mga taong patuloy Niya na ginagamit para ipadama sa akin, sa aking anak at sa aking pamilya ang walang hanggan Niyang kabutihan sa buhay namin.
Sa mga makakabasa po ulit ng aking munting kuwento, ang tanging hangad ko po at hiling sa Diyos na nawa’y makapagbahagi ako ng kalakasan sa mga nanghihina, tapang sa mga sumusuko na, pag-asa sa mga nawawalan na ng ganang mabuhay, at higit sa lahat sa bawat taong may iniindang karamdaman na ang ginhawa ay makakamit sa pagdarasal….sa pagtitiwala ng buhay natin sa Kanya.
Okay lang na minsan tayo ay panghinaan at makaramdam ng pagkapagod. Okay lang na minsan na tayo ay umiyak at parang susuko na pero sabi ko nga sa taas, minsan lang yan, Kaibigan.
Dahil palaging nariyan ang Panginoon sa ating tabi para mawala ang lahat ng minsan na yan. Ang ginhawa mula sa Kanya ay mas malaki kesa sa mga pasakit na ating nararanasan dahil walang hihigit na anumang problema sa biyaya ng pag-asa, pagmamahal at kabutihan kung si Lord ay lagi nating pagkakatiwalaan sa lahat oras.