Isa sa mga masasakit sa damdamin bilang isang Ina ang hindi mo madamayan ang iyong anak sa oras na kailangan ka niya.
May isang mapait na senaryo ang patuloy pa rin na umuukil-kil sa aking memorya bilang isang paralitikong Ina noong halos dalawang taong gulang pa lang ang aking anak.
Nagkataon na nasa labas ng bahay sina Mama at kami lang ang nasa loob. Ako na nasa kasukdulan pa lang ng aking pagkakasakit at hindi ko halos maigalaw ang buo kong katawan. Ako noon ay nakadapa sa napakatid ko pa lang na lumang higaan, nakaharap ang aking ulo sa may pinto ng silid ng aking mga magulang kung saan kasalukuyang natutulog ang aking anak.
Bigla siyang nagising, tumayo sa may pinto habang tumatangis at tumingin sa aking mukha sabay hanap sa aking Mama. Wala akong magawa noon. Napakasakit sa aking kalooban na sana ay bumangon ako agad at kinarga siya para mapatahan siya.
Pinigilan ko ang pagpatak ng aking mga luha. Tiniis ang sakit na parang punyal na sumaksak sa aking dibdib ang katotohanan na wala na akong lakas para siya ay damayan. Pilit akong ngumiti at kinausap siya…’Tahan na Anak, tatawagin ko sina Mama Wuwa (Lola)’. At iyon nga lang ang tangi kong nagawa, ang magsalita at masdan na lamang siya mula sa aking higaan.
Sadyang napakalapit ng aming agwat pero parang napakalayo sa pakiramdam. Di ko na siya mahawakan, makarga at magabayan sa paglaki. Halos anim na buwan pa lang siya noon ng magsimula ang pagkagupo ko sa di malamang karamdaman.
Masakit pa rin hanggang ngayon habang bumabalik sa akin ang mapapait na alaalang iyon pero sadya ngang ang lahat ng nangyayari sa atin ay may dahilan ang Diyos. Binigyan Niya ako ng anak para maging lakas ko at dahilan para lumaban at hindi sumuko. Ang anak ko ang nagbibigay sa akin ng di matatawarang saya sa bawat araw na ako ay nabubuhay.
Siya ang nagpapatibay ng pagkapit ko sa pag-asa at siya ang nagpapaigting ng aking mga naisin pa sa hinaharap. Sa pag-asam ko sa napakadaming pangarap para sa kanya, sa bawat taon na siya ay lumalaki ay lumalaki din ang aking pag-asa na ako’y makakapaglakad muli.
Ako ay isang dalagang Ina at ipinagmamalaki ko po ‘yun. Hindi ko kailaman ikinahiya na nagkaanak ako na walang asawa; na kahit minsan din ako’y harapang inalipusta at nasabihang ako’y isang disrasyada. Ang iba naman kahit hindi bigkasin ng kanilang mga labi ay ang mga matang mapanghusga sa akin ang nanghamak, na sa ating lipunang ginagalawan ay may panget na konotasyon ang isang dalaga na nabuntis at hindi pinanagutan.
Sa panahon ng aking pagdadalangtao ay nagtrabaho ako hanggang sa buwan ng kanyang pagsilang. Pinatuyan ko na ako bilang Ina at anak na binigo ang aking mga magulang ay kaya ko siyang panindigan at buhayin kahit na walang suporta mula sa kanyang ama.
Kaya, ako ay saludo sa bawat Nanay, Mama, Inang, Mommy at marami pang katawagan sa bawat ilaw ng ating tahanan at sa bawat Single Mother/Father, na taas noo na pinanindigan ang kanilang mga anak at kumakayod para kumita at palakihin sila sa marangal na paraan.
Higit sa lahat sa mga Lola o Lolo o Tita at Tito na nagsisilbing “INA” ng bawat batang pinalaki at inaruga sa kanilang pangangalaga. Taos puso po at hindi mapapantayan ang kanilang pagmamahal sa kanilang apo o pamangkin.
Sa bawat Ina na may ibat-ibang hamon at laban sa buhay para sa kanilang anak at sa bawat Nanay na sumisimbulo sa salitang ito… ang aking pagsaludo po at pagrespeto po sa hindi masusukat na pagmamahal, pag-aasikaso, pag-iintindi, pag-gabay at pag-aalaga ninyo sa inyo.
At sa aking Ina na nag-aalaga, nagbabantay sa school, naglalaba ng mga damit, nagpapaligo at maraming pang responsibilidad na sana ako ang gumagawa para sa aking anak… Maraming Salamat Po, MA! Happy Mother’s Day po sa lahat ng ‘Ilaw ng Tahanan’. ❤