Ang pamahalaang bayan ng Romblon ay nakiisa sa selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan ngayong taon na kinatampukan ng iba’t ibang aktibidad sa covered court ng Romblon public plaza kamakailan.
Ang pagdiriwang ay pinasimulan sa pamamagitan ng parada paikot sa kabayanan ng Romblon kasunod ang programa sa plaza at mga palaro para sa mahigit 2,000 kababaihang dumalo sa naturang okasyon.
Ang iba pang aktibidad ay kinabibilangan ng pagbibigay ng libreng serbisyong manicure pedicure, dental cleaning, libreng gupit at masahe sa mga kababaihan.
Naging pangunahing tagapagsalita si PSupt. Raquel M. Martinez, chief, Police Community Relations Branch at Deputy Director for Admin ng Romblon Police Provincial Office. Kanyang tinalakay ang mga karapatan ng mga kababaihan at ang mga bagong batas na nagbibigay proteksyon sa mga kababaihan at kabataan, mas kilala sa VAWC (Violence Against Women and Children Act) o ang Republic Act 9262.
Hinikayat din nito ang mga kababaihan na kung sakaling nakakaranas ng pangaabuso sa kanilang mga asawa o live in partner ay agad dumulog sa Women’s and Children Protection Desk ng pulisya o kaya naman ay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Layuning makapagbigay ng inspirasyon sa mga kababaihan, kanyang ibinahagi ang kanyang karanasan kung paano siya nagsumikap para makatapos ng pag-aaral kahit mahirap lamang ang kaniyang mga magulang gayundin ang kanyang mga pinagdaanan upang marating ang kasalukuyang estado sa buhay.
Ang tema ng 2018 National Women’s Month na ipinagdiriwang ngayong Marso ay “We Make Change Work for Women.”