Mabisang gamot umano sa depresyon ang pagkain ng mga isda ayon sa isang pag-aaral sa Finland at sa pagpupulong ng American Psychiatric Association.
Lumilitaw kasi umano na ang mga taong tamad mag-ulam ng isda ay madalas na nakakaramdam ng mild to severe depression kumpara sa mahihilig kumain nito.
Ang mga matatabang isda na may Omega-3 na may fatty acids ay malaking tulong umano sa paggamot sa may manic-depression katulad ng mga isdang herring, salmon, sardinas at tuna.
Sa nasabing pag-aaral, dahil sa may taglay na Omega-3 polyunsaturated fatty acids o PUFA ang mga isda ay malaking tulong ito para mapaglabanan ang dinaranas na sobrang depresyon.
Nakakatulong rin ang Omega-3 para pababain ang triglycerides, blood pressure at blood clotting habang malaking tulong din ito para maiwasan ang inflammation sa katawan. Ang inflammation ay maaaring makasira sa mga ugat.
Iniiwasan din nito ang stroke, heart failure at irregular heartbeats. Bukod sa iwas-depresyon na’y mabisang gamot din ito sa dementia at arthritis.
Payo ng mga eksperto, habang maaga palang ay mainam ng sanayin ang mga bata sa pagkain ng mga isda para hindi maging mapili pagdating ng oras.