Magkakahiwalay na Earthquake Drill ang isinagawa sa iba’t ibang munisipyo sa Romblon nitong Huwebes ng hapon bilang bahagi ng 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.
Sa bayan ng Concepcion, Romblon, sumailalim sa earthquake drill ang mga estudyante ng Sibale Academy of the Immaculate Conception sa pamumuno ni Local Disaster Risk Reduction and Managemeng (LDRRM) Officer John Bob Ferranco, Fire Officer Butch Fallarme, katuwang ang mga kawani ng Concepcion Municipal Police Station, sa ilalim ng pamamalakad ni PSupt. Raquel Martinez, ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), at sa pakikipagtulungan ng mga guro at opisyal ng nasabing na paaralan.
Ito ay upang alamin kung gaano na kahanda at maturuan pa lalo ang mga estudyante ng tamang gagawin at mga paraan para makaligtas sa posibleng mangyaring malakas na lindol sa rehiyon ng MIMAROPA.
Ikinatutuwa naman ng mga guro ang ganitong mga aktibidad dahil sa ganitong mga paraan ay nasisiguro nila ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante kung sakali nga na dumating ang mga ganitong sakuna.
Tiniyak ng mga taga-LGU na regular na magkakaroon ng mga ganitong earthquake drill buong taon sa ibat-ibang paaralan ganoon din sa mga sangay ng lokal na pamahalaan at mga barangay ng naturang bayan upang matiyak ang kahandaan ng mga residente dito.
Sa bayan ng Odiongan sa Romblon, nagsagawa rin ng Earthquake Drill sa loob ng campus ng Odiongan South Central Elementary School kung saan sabay-sabay na nag dock, cover, and hold ang mga estudyante pagpatak ng ala-una ng hapon.
Hudyat umano ito na may kunyaring malakas na lindol na nanggaling sa Tablas Fault na nasa bahagi ng Sta. Maria, Romblon.