Idadaos sa bayan ng Odiongan ang 2017 Regional Science and Technology Week (RSTW) simula ika-14 hanggang ika-17 ng Agosto sa Virginia Centurione Bracelli School taglay ang temang “Changing Lives through Science.”
Ang taunang pagdiriwang ay alinsunod sa Presidential Proclamation no 169, s. 1993 bilang pagpapahalaga sa siyensya at teknolohiya sa bansa.
Ang Department of Science and Technology (DOST) ang itinalagang ahensiya ng pamahalaan na manguna sa nasabing pagdiriwang sa tulong na rin ng iba pang ahensya ng pamahalaan at maging ng pribadong sektor.
Ang pagdiriwang ay naglalayong makapaglaan ng mga oportunidad na pangkabuhayan mula sa siyensya at teknolohiya at makapag-ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Kinikilala rin sa pagdiriwang ang mga natatanging ambag ng mga indibidwal at institusyon na nakatulong upang iangat ang estado ng siyensya at teknolohiya sa bansa.
Ayon kay Provincial Science and Technology Officer Marcelina Servañez na tampok sa regional celebration ng S&T Week ang mga libreng forum kung saan maraming eksperto ang inimbitahan para magbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa marble product design, climate change, food safety, environment friendly septic tank, coconut products at mga programa ng DOST tulad ng complementary baby food at ceramic filter.
{googleads center}
Tatalakayin din sa mga dadalo sa pagdiriwang kung paano matutulungan ang kanilang negosyo ng Small Enterprise Upgrading Program (SET-UP) ng DOST.
Dapat din aniyang abangan ng mga manonood ang Regional Invention Contest and Exhibits kung saan ipapakita ang iba’t ibang imbensyon o mga resulta ng pananaliksik na maaaring makaambag sa pag-unlad ng bayan.
“Inaanyayahan ng DOST – PSTC Romblon ang lahat na dumalo dahil ito ay libre at tiyak na kapupulutan nila ito ng dagdag kaalaman at pagtatangi sa larangan ng agham at teknolohiya,” paanyaya ni Servañez.