Patok at trending na naman ang balita na lumabas kahapon (July 12) tungkol sa pag-utos ng Pangulong Duterte upang ibalik sa aktibong serbisyo si Superintendent Marvin Marcos at iba pang mga pulis na kasama nito na dawit kasong pagpaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa noong nakaraang taon.
Ipinahayag ito ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa ginanap na 26th Anniversary ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Miyerkules. Dagdag pa ng Pangulo, kahit pa umano mahatulan si Marcos sa kasong murder ay ipa-pardon din nya ito.
Dahil sa mga pahayag na ito ng Pangulo, marami na naman ang umaray. Syempre, asahan na yung mga ‘ika nga ay ‘anti-duterte’ ay tiyak na magpapahayag ng kanilang pagkakadismaya sa pahayag ng pangulo, na ‘anila ito umano ay nakakabahala, maghihikayat ng culture of impunity sa mga matataas na ranggo ng kapulisan, at pagsagabal sa katarungan.
Subalit hindi lang naman pala mga oposisyon ang nagpahayag ng pagkadismaya. Si Senator Ping Lacson halimbawa ay ginamit pa mismo ang paboritong pagmumura ng Pangulo. Aniya, sa kabuoan umano ang pahayag ng Pangulo ay matatawag na Put**g *na!
Maging si Senator Dick Gordon ay nagpahayag din ng kanyang saloobin na aniya ang pagbalik kay Marcos at mga kasama sa aktibong serbisyo ay ‘lubhang nakakabahala.‘
Ayon naman kay Ramon Casiple, political analyst ng ABS-CBN, binali umano ng Pangulo ang ‘protocol’ dito. Dagdag pa nya, dapat sana ay hinintay muna ng Pangulo na matapos ang imbestigasyon sa kaso ni Marcos. Itinuturing ni Casiple na isang misteryo ang panghihimasok ng Pangulo sa kaso gayong nasa proseso pa lamang ito.