Matapos ang sangdaan at labing-siyam na taon (119) matapos madeklara ang kasarinlan ng Pilipinas, patuloy pa ring ginugunita at ipinagdiriwang natin ang kasarinlan at kalayaang ito mula sa kamay at pamamahala ng mga dayuhan.
Wala namang duda, totoong namuhay tayo sa kalayaan at esensiya ng demokrasya. Sabi pa nga ng iba, ‘sobrang laya’ nating mga Pilipino upang gawin ang mga bagay-bagay, mabuti man ito o masama sa kapwa.
Tumayo at lumakad ang ating bansa na malaya at may sariling gobyerno. Maraming mga pangulo na rin ang humawak at namahala sa bansa. Iba’t ibang kasaysayan na ang naitala. Kasabay nito ang pagkakahati-hati ng mga namumuno sa bansa dulot ng mga partidong pulitikal. Sumunod din naman sa pagkakahati-hati at pagkakawatak-watak ang mga mamayan.
Isang bansang tila baga, ang mga mayayaman ay patuloy na yumayaman, at ang mga maralita ay nananatiling mahirap o kaya’y patuloy na naghihikahos. Kaya tuloy ayon sa iba, mabuti pa umano at hindi na lang nakipaglaban ang mga bayani noong una, disin sana’y isa ang Pilipinas sa mga Estados ng America.
Kung sa ngayon ay ganito ang palagay at nararamdaman ng mga mamamayan, nasaan nga ba ang esensiya ng kasarinlan at kalayaan? Ayos lang ba na maging independente o malaya sa pamamahala ng bansa pero ang katumbas naman nito’y pag-aaway at pagkakahati-hati ng mga mamamayan?
Bagamat hindi naman sa pagiging malaya o independente ang mali, kundi sa kung paano ginagamit ng mga namumuno sa bansa at ng mga mamamayan sa pangkalahatan ang esensya ng kalayaan at kasarinlan.
Kung noong una, ang kalaban ng bansa ay mga banyaga, sa ngayon ang kalaban ay sarili nitong mga pulitiko at mga mamamayan. Kung buhay lamang ang damdamin ng ating Inang Bayan, tiyak na humahagulhol ito sa pananalanta ng mga tao sa ating kalikasan, mga kaguluhan at patayan, at pagkakahati-hati ng mga mamamayan.
Tila baga, hindi na ang pangalan ni Inang Bayan ang sinisigaw ng mga mamamayan kundi ang pangalan ng kanilang mga iniidolong politiko na kung tutuusin ay pansamantala lang naman ang mga termino ng pamumuno samantalang ang maging mamamayang Pilipino ay habang nabubuhay.
Dagdagan pa ng mga fake news na halos ulam na sa almusal, tanghalian at hapunan ng mga mamamayan. Ito ang nagiging sanhi ng pag-aaway-away at pagkakahati-hati ng mga mamamayan. Ito rin ang nagtatanim ng galit at poot sa kapwa na ayon lamang sa laman ng pekeng balita.
Bakit nga ba napakabilis ng mga tao maniwala sa mga pekeng balita o kaya magkaroon ng reaksyon dito na kadalasan ay humahantong sa ‘di pagkakaunawaan at pag-aaway? Sa huli ay sasabihin na lamang na, ‘demokratiko tayo, kalayaan ko ang gawin ang bagay na iyan”.
Ito nga ba ang inasam ng ating mga bayani at ninuno noon sa kanilang pakikipaglaban para sa kasarinlan at kalayaan? Hindi baga’t kapayapaan, kaayusan at kaunlaran na dulot ng pagkakaisa ng sambayanan ang esensya nito?
Nasa sa’yo rin kabayan ang susi nito. Sinuman ang iyong sinusuportahang pulitiko, nananatili kang mamamayan ng bansang Pilipinas. Lilipas ang termino ng mga pulitiko, pero ikaw ay mananatiling mamamayan na s’yang tatamasa sa mga magiging bunga ng mga nangyayari sa bansa, masama man ito o mabuti. Ipakita mo kabayan na ikaw ay totoong malaya – malaya sa pagkakabulag sa mga nangyayari sa ating Inang Bayan, malaya sa pagtanto at pagyakap sa katotohan lamang, at malaya na maging isang responsableng mamamayan.
Ikaw, malaya ka nga ba Kabayan?