Sumailalim sa tatlong araw na training at seminar ang mga barangay health workers (BHW) ng bayan ng Sibale nitong April 26 hanggang 28, 2017 sa may Concepcion Central Elementary School Social Hall.
Ang naturang seminar ay tungkol sa re-echo ng pagkuha ng vital signs ng pasyente, mga dapat at tamang gagawin ng BHW sa mga emergency cases and referrals, kung paano mangalaga sa mga buntis at mga bata at ang pagbibigay at pagtuturo ng tamang nutrition sa kanilang nasasakupan.
Bahagi ito ng programa ng gobyerno at ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng maayos na serbisyong medikal ang lahat ng komunidad sa buong bansa.
Tatlumpot dalawang BHW mula sa siyam (9) na barangay ng bayan ng Sibale ang lumahok sa nasabing seminar.
Inorganisa ang seminar ng mga kawani ng Rural Health Unit (RHU) ng Sibale sa pamumuno ni Dr. Jemuel Chua, at Ms. Lucille Falculan, RN, sa pakikipagtulungan ng DOH sa pamamagitan ng kanilang representante na si Mr. Michael John Balgos, RN. Sila rin ang mga naging resource speakers para sa isinagawang tatlong araw na seminar.
Ayon kay Ms. Criselle Jane Fabreag, RN, isa sa mga kawani ng RHU-Sibale, naging masaya at makabuluhan ang isinagawang training kasi nakita nila kung gaano ka-dedicate ang mga BHW sa trabaho nila at doon makikita ang kanilang teamwork. Super active din ang lahat sa mga ibinigay na activities at halatang gusto talaga nilang matuto.
Nagpahayag naman ng pagkatuwa at nagpaabot ng lubos na pasasalamat ang mga nagsilahok sa lahat ng kawani ng RHU dahil nagkaroon sila ng ganitong pagkakataon para mas lalo pa silang matuto, masanay at magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagbibigay ng nararapat at tamang serbisyong medikal para sa kanilang mga kababayan.