Hindi na bago ang panawagan sa paghahati ng mga congressional o legislative district sa bansa–ang ideal nga ay dapat itong regular na ginagawa habang lumalaki ang poulasyon at nakikitaan ng kahinaan ang paglilingkod ng pamahalaan sa pangangasiwa.
System-wide o nationwide ang panawagan ng mga pantas sa politika at hindi patingi-tinging paghahati, dahil hindi nakakamit ang layunin ng batas kapag paisa-isa itong isinasagawa. Hindi rin pawang motibasyong personal o pampulitika ang nasa likod ng mga panawagang ito.
Paso na ang panahon ng hatian ng paghahari ng mga gahamang politiko; nakalalamang na ngayon ang hangarin ng pag-unlad lalo na sa mga kanayunan dahil lubha nang kasuklam-suklam ang pangangamkam sa pondo ng publiko. Lalo pa’t kadalasa’y napupunta lang sa bulsa ang malaking bahagi ng alokasyong nakukuha sa Kongreso para sana sa serbisyo-publiko.
Ayon kay Prof. Prospero de Vera ng University of the Philippines – National College of Public Administration ang Governance, kaya nandyan ang 1:250,000 ratio kada distrito ay upang hindi nakukompromiso ang representasyon.
Tulad ng marmol, kahit anong uri ng variety at kahit gaano man katigas ito, madaling hatiin ang Romblon kung interesado ang nakaupo, maliban kung gustong magharing-uri habang panahon at iisang apelyido lamang ang nais manatili sa posisyon.
Papaano mo nga naman kakatawanin sa Kongreso ang distrito kung napakalaki ng iyong nasasakupan; papaano mo nga naman mapagsilbihan ang kanilang mga hinaing at adhikain na kadalasan ay ang pag-uuwi ng mga proyekto at programang pangkabuhayan kung sobrang dami na ng mga umaasa sa iyo?
Halos tatlong daang (300) libo na ang populasyon ng Romblon base sa pinakahuling pagtatala ng Philippine Statistics Authority ngayong taon. Kung maghihiwalay ang tatlong (3) munisipyo ng Sibuyan Island at kabiserang bayan ng Romblon sa Lone District of the Province of Romblon, lalabas na mahigit 200 libo katao ang matitira sa Tablas, Tres Islas at San Jose.
May mga magsasalubong ang kilay sa ganitong set-up dahil sa statutory non-compliance o hindi pagsunod sa atas ng batas. Ngunit hindi ito bago sa kontemporaryong paghahati ng mga distrito; at minsan nang pinayagan ng Korte Suprema ang galawang ganito.
Sa lalawigan ng Camarines Sur, bagama’t umani ng pagtutol sa pangunguna ni dating Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino noong senador pa ito, kinatigan ng korte ang redistricting doon sa pamamagitan ng Aquino vs. Comelec kung saan sinabi ng Kataastaasang Hukuman na ang populasyon ay hindi ang nag-iisang requirement sa paghahati o reapportionment ng mga distrito kundi ang marami pang ibang factors na dapat sabayang kinukonsidera.
Ito ang madalas na binabalikang argumento ng ibang lalawigan sa bansa sa kanilang paghahangad ng bagong distrito o representasyon sa Kongreso–ito rin ang argumentong pansusog ng bayan ng Pateros sa kanilang paghahangad na kumalas sa distrito ng Taguig-Pateros ng mga Cayetano.
Pinalakas din ang posisyon ng redistricting ng isa pang kaso – ang Tobias vs. Abalos na siyang naging desisyon ng hukuman noong paghiwalayin ang mag-asawang distrito ng Mandaluyong-San Juan noong taong 1994.
Ang populasyon ng Pateros ay wala pa sa 100,000 – halos 65,000 nga lang. Sa bandang Eastern Metro Manila pa rin — bilang resulta ng pagiging isang legislative district ang Mandaluyong, kahit hindi pa isang ganap na lungsod noon ang San Juan at hindi umabot sa 250,000 minimum population, tuluyan din itong naging hiwalay na distrito.
Gaya ng ating tinuran noong nagdaang linggo, imbes na hatiin ang probinsya sa dalawang lalawigan — Romblon Oriental at Romblon Occidental, mas madaling itulak sa Kongreso ang dalawang distrito. Lalo pa’t bahagi ng mayorya ngayon si Cong Toto Madrona, at hindi pa rin numinipis ang impluwensya ni ex-Cong Budoy Madrona sa mga dating kasamahan sa Kamara.
Puwede ring gamitin ng mga bayan ng Sibuyan, sa pangunguna ni SP Manong Sam Romero, ang “Roa Card” sa usaping ito upang once and for all, mapatunayan ang tsismis noong Mayo na may dugong Romblomanon din ang kasalukuyang Pangulo dahil naglipana ang pamilya Roa sa Romblon. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)