Naaresto ng pinagsamang pwersa ng Santa Fe Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Francis Rey Manito, at ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pangunguna naman ni Police Senior Inspector Jess Baylon, ang lalaking wanted sa direct assaut sa pamamagitan ng Manhunt Charlie Operation.
Ayon sa press release ng Santa Fe Municipal Police Station, dinakip ang suspek na si Jay-Ar Espenida Capispisan, 23-taong gulang, sa Boracay Island, Malay, Aklan, nitong tanghali ng September 07.
Batay sa report ng Santa Fe Municipal Police Station, si Capispisan na dating native ng Barangay Pandan, Santa Fe, Romblon ay nasa listahan ng kanilang Top 10 most wanted person ng bayan.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na nilabas noong January 27, 2015, ni Judge Cirile Foja ng Municipal Circuit Trial Court sa Looc, Romblon sa ilalim ng docket number CC#SF-1332.
Si Capispisan umano noong 2015 ay nanakit ng isang pulis kaya kinasuhan ng direct assault ng pulisya.
Dinala na pabalik sa Santa Fe ang suspek at inaasahang ihaharap na rin sa korte para panagutin sa kinahaharap na kaso.