by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Thursday, 04 February 2016
Masayang tinanggap ng mga Mayor ng walong (8) bayan sa lalawigan ng Romblon ang mga bagong ambulansya na ipinagkaloob sa kanila ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) kaninang umaga sa isinagawang turn-over ceremony ng mga nasabing ambulanya na ginanap sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan.
Dinaluhan ito nina Governor Eduardo Firmalo, PCSO General Manager Atty. Jose Ferdinand Rojas II, Romblon Provincial Hospital Head Ben Anatalio, at ilang mga Sanguniang Panlalawigan members.
Ang mga nasabing bayan na nakatanggap ng bagong ambulansya ay ang Ferrol, Banton, San Andres, Sta. Fe, at Looc sa Tablas Island, Concepcion sa Sibale Island, San Jose sa Carabao Island, at San Fernando sa Sibuyan Island.
Ayon kay GM Rojas, every 5 years naman umano pwedeng mag apply ang local government ng isang munisipyo sa PCSO para makatanggap sila ng bagong Ambulansya.
Handa rin umanong tumulong ang PCSO sa mga hospital sa Romblon katulad nalang ng ipinapatayong Hospital Building sa bayan ng San Andres.
“Pag yang hospital ay operating na, pwede kaming makatulong siguro sa pamamagitan ng pagbigay ng mga health apparatus.
Sinabi rin ni GM Rojas na hindi sila titigil sa pagtulong sa mga lalawigan sa Pilipinas katulad ng Romblon kaht dumating ang oras na hindi palarin ang pambato ng tuwid na daan na si Mar Roxas.
Kasabay ng pagkakaloob ng bagong ambulansya sa 8 bayan sa lalawigan opisyal na ring isinagawa ang Soft Opening ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) – Romblon Branch.
Sa isang resolution order naman na ibinaba ng Sanguniang Panlalawigan, kinilala nila ang pagbubukas ng PCSO Branch sa Romblon ay isang milestone lalo na para sa mga Romblomanon.
Pinasalamatan rin ng mga Sanguniang Panlalawigan members si PCSO Chairman Erineo “Ayong” Maliksi at si General Manager Jose Ferdinand Rojas II sa pagdala ng PCSO sa lalawigan.