Tinanggap ng Romblon News Network sa ikalawang pagkakataon ang Gawad Ulat Award mula sa DSWD MIMAROPA sa ginanap na 65th Anniversary nito sa Richville Hotel sa Mandaluyong City noong 19 February 2016, bilang pagkilala sa makabuluhan, makatotohanan at patas na pagbabalita nito (Online News Category). Maraming-maraming salamat po DSWD MIMAROPA sa parangal at pagkilala na ito, gandun din sa ating mga kababayan hindi lang sa lalawigan ng Romblon kundi sa buong mundo na nakasubaybay sa ating network para sa mga sariwang kaganapan at balita na nangyayari sa ating probinsya at karatig na lugar.
Anu-ano nga ba ang mga prinsipyong taglay at isinusulong ng Romblon News Network?
1. Makatotohanan at makabuluhan na pagbabalita. Ang Romblon News ay hindi nagbabalita ng base sa mga haka-haka o tsismis lamang. Kapag may mensahe kaming natanggap, una kikilalanin muna namin ang impormante at babalikan ng mga tanong upang matiyak na ang report ay may sapat na katotohanan at basehan. Hihingi kami ng mga kontak ng mga taong sangkot o saksi sa nangyari. Ang mga kontaks ay aming tatawagan upang kumpirmahin ang nakarating na sumbong o ulat. Kung kinakailangan, pupuntahan pa namin ng personal ang mga impormante o pangyayari, upang kapanayamin o personal na masaksihan ang pangyayari.
2. Patas na pagbabalita. Ang Romblon News po ay ‘independent’ at walang sinumang pulitiko o ibang tao ang nasa likod nito maliban sa Romblon News Team na bumubuo nito. Anumang ulat, positibo o negatibo man para sa isang pulitiko o opisyal ng gobyerno, o indibidwal na tao, ay base sa totoong nangyari o dokyumento, at kung sa tingin ng Romblon News ito ay dapat malaman ng publiko, ito ay aming ibabalita regardless kung sinuman ang, ‘ika nga, ay matatapakan, alinsunod sa etika ng pagbabalita. Aming tinitiyak na ang mga napapangalanang sangkot sa isang balita ay makuhaan ng pahayag o komento upang bigyang linaw ang kinakaharap na isyu.
3. Bukas para sa mga Press Releases ng mga Ahensiya ng Pamahalaan. Walang duda na ang Romblon News Network ay nangunguna sa pinaka aktibo na online news networks hindi lang sa buong probinsya kundi maging sa buong rehiyon (MIMAROPA). Meron itong average monthly visits na 81,000 sa website, over 23,000 likes at average potential reach of more than 99,000 sa Facebook Page nito. Kung kaya’t bilang commitment ng Romblon News sa pagpapalaganap ng mga impormasyong makakatulong sa ating mga mamamayan, bukas at libre itong tumatanggap ng mga Press Releases mula sa iba’t ibang sangay at ahensiya ng pamahalaan, NGOs at mga akreditong organisasyon o non-profit organizations.
4. Non-Profit. Ang Romblon News Network po ay non-profit. Hindi po layunin ng Romblon News ang kumita mula sa pagbabalita nito, bagamat para sa aming normal na operasyon na nangangailangan ng pananalapi tulad ng maintenance ng website, transportation and communication costs, pagtulong sa mga lumalapit at humihingi ng tulong, team capability development at iba pang gastusin, may mga limited banner positions po kami para sa website advertisements.
5. Pagtulong sa mga nangangailangan. Kung hindi man ang Romblon News Team mismo ang dumudukot sa sariling bulsa o gumagawa ng sariling kaparaanan para makapagpaabot ng tulong sa mga lumalapit at humihingi ng tulong, ang Romblon News Network ay nakikipagtulungan sa mga Foundation o pribadong mamamayan upang maipalaganap ang mga panawagan at paghingi ng tulong lalong-lalo para sa talagang kita natin na kapos na kapos at karapat-dapat tulungan.
Sa mga darating pang panahon, hangad namin na mas lalo pang mapaganda ang aming serbisyo at sakop nito. Bukas po kami na tumanggap ng suhestiyon at anumang tulong mula sa inyong lahat sa ikakabuti pa ng Romblon News Network upang patuloy naming magampanan ang pagbabalita nang makabuluhan, makatotohanan at patas, at ang pagtulong sa ating mga kababayang nangangailangan at karapat-dapat tulungan.
Muli, sa inyo po mga mahal naming kababayan aming inaalay ang Gawad na ito. Maraming-maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala at pagtatangkilik.
Engr. Ressie Fos
Managing Editor, Romblon News Network