by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Wednesday, 24 February 2016
Masayang ibininalita ni Dr. Ben Anatalio, Chief of Hospital ng Romblon Provincial Hospital sa mga mamahayag nitong Martes, February 23 na maari nang gamutin at operahan sa RPH ang mga may karamdaman sa mata.
Simula kasi ngayong linggo ay magsisimula nang magduty sa RPH si Dr. Christian Que, espesyalesta sa mata.
Ipinakita rin ni Dr. Anatalio sa mga mamahayag ang mga bagong gamit ng RPH para sa operasyon sa mata bilang patunay na handa na ang Ospital para rito.
Kahapon, umabot sa 3 pasyente na may katarata sa mata ang agad na naoperahan ng bagong Doctor.
Ang katarata ay ang paglabo ng lente sa loob ng matá na nagdudulot ng panlalabo ng paningin. Ito ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkabulag sa buong mundo at karaniwang nagagamot sa pamamagitan ng operasyon. Ang pagkawala ng paningin ay sanhi ng opacification ng lente na humaharang sa liwanag na makapasok at mapokus sa retina sa likod ng mata.
Sinabi naman ni Dr. Que sa Romblon News na hindi kailangang mag-alala nang mga pasyenteng magpapagamot sa kanya dahil libre ang service fee niya at sasagutin ito ng PhilHealth basta siguraduhin lang ng magpapa-opera na miyembro sila nito.
“Kasi ang Manila price niyan ay aabutin ka talaga ng 40 thousand pesos, pero kung siyempre miyembro ka ng PhilHealth malaki ang mababawas sayo niyan,” pahayag ni Dr. Que.
Ayon sa Doctor, every other week ang schedule niya rito sa Romblon.
“Simula ngayong linggo, nandito ako sa Romblon pero wala ako next week. Every other week nandito ako, at buong linggo akong nandito,” ayon kay Que.