by Dennis Evora, Romblon News | Friday, 08 January 2016
Kahon-kahong relief goods na may markang DSWD ang dumating kagabi sa bayan ng Concepcion (Sibale Island) lulan ng MB Princess Anie.
Ayon kay Ms. Annabelle Faderogao-Ferrancullo, DSWD Listahanan Supervisor sa Sibale at isa sa mga namamahala sa pamamahagi ng mga relief goods, nagmula umano ang mga kahon sa DSWD Regional Office ng MIMAROPA.
Laman nito ang may 2,600 food packs para ipamahagi sa may 1,200 na pamilyang nasalanta ng nagdaang bagyong #NonaPH.
Lubos naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Sibale lalo na ang butihing mayor Hon. Lemuel Cipriano sa patuloy na pagdating ng mga ayuda sa naturang bayan mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno at mga pribadong grupo at indibidwal para punan ang mga pangangailangan ng mga residenteng lubos na naapektuhan ng nagdaang bagyo.