by Dennis Evora, Romblon News | Monday, 21 December 2015
Isang malungkot na kabanata ng buhay ang dumating at humamon sa katatagan at pananampalataya ng mga residente ng Sibale Island matapos ang delubyong kanilang naranasan dulot ng nagdaang bagyong Nona nitong nakaraang araw ng Martes, ika-15 ng Disyembre ng taong kasalukuyan. sa tindi at lakas ng hangin na dala ng naturang bagyo, halos masira nito ang lahat ng mga kabahayan, mga ari-arian at mga pananim sa buong bayan ng Sibale.
Makaraan ng nasabing sakuna, makikita sa buong bayan ang mga bubong na natuklap, mga bahay na nagiba, at mga puno ng niyog, kahoy at saging na naputol o nagtumbahan. Sa ngayon, full operation na ang serbisyo ng Globe at Smart makalipas ang ilang araw na pagkawala ng signal.
Naibalik na rin ngayong gabi ang kuryente sa dalawang barangay ayon sa text message ni Mayor Cipriano.
Ayon sa lokal na pamahalaan, tinatayang aabot sa siyamnapong porsyento ng mga ari-arian ang nasira sa palibot ng isla dulot nang nagdaang bagyong Nona.
Agad namang nagpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Romblon sa pangunguna ng butihing Congressman at ng Gobernador katuwang ang mga kawani mula sa RDRRMC, DSWD, DOH, DTI, DPWH, DOLE at Globe Telecom upang kahit papaano ay maibsan ang kakulangan ng mga pagkain at ilang kailangan ng mga residente kagaya ng malinis na tubig at mga gamot.
Sa kabila ng malungkot na nangyaring ito, walang hangad ang mga residente kundi ang magkapitbisig at magtulung-tulong upang muli nilang ma-ibangon ang Sibale sa pagkakalugmok at ma-itayo ang kanilang mga nasirang mga bahay para makapag-simula muli nang bagong kabanata lalo pa’t napapalapit na ang Kapaskuhan. Ayon pa sa kanila, masaya pa rin daw nilang ipagdiriwang ang Pasko kasama ang kanilang mga mahal sa buhay na puno ng pasasalamat at papuri sa Panginoon dahil kahit papaano ay naging ligtas silang lahat.
Sa ngayon, patuloy silang kumakatok sa puso ng bawat mamamayan, na hindi gaanong naapektuhan ng bagyo, nang tulong sa anumang paraan upang mas mapabilis ang kanilang pag-bangon at mas madali nilang malampasan at makalimutan ang masalimuot na pangyayaring ito na nagdaan sa kanila.