by Dennis Evora, RomblonNews | Monday, 21 September 2015
Pormal na namang nagsimula kahapon, ika-20 ng Septyembre, ang taunang ‘RAGIPON’ sa Lipa City Youth and Cultural Center, Lipa City, Batangas, sa pangunguna ng masipag at kasalukuyang Presidente nito na si Mr. Chris Fornal, kasama ang mga opisyales ng ‘Ragipon 2015.’
Ang ‘Ragipon’ ay halaw sa lokal na lenggwaheng ASI ng Romblon na ang ibig sabihin ay “Pagtitipun-tipon”.
Kabilang sa mga aktibidad ng RAGIPON ay ang siyam (9) na Sabado ng Novena, ang Ragipon Cup at iba pang Socio-civic activities sa Manila, Lipa at Cavite.
Isinasagawa ito sa siyudad bilang isa sa mga bahagi ng pagdiriwang ng kapiyestahan ng patron ng Sibale tuwing ika-8 ng Disyembre, ang Immaculada Concepcion.
Ngayong taon, ang Ragipon Cup 2015, na isa sa mga aktibidad ng pagdiriwang at nilalahukan ng mga kupunan na kinabibilangan ng pawang mga taga-Sibale, ay may labing-apat (14) na kupunan sa basketball para sa mga lalaki at apat (4) naman sa volleyball para sa mga babae, mas marami kumpara sa mga kupunan na lumahok at nakisaya noong mga nakalipas na taon.
Sa pagsisimula, suot ng mga manlalaro at coaches ng bawat team ang kani-kanilang uniporme na nakabase ang kulay at disenyo ayon sa kinabibilangan nilang mga barangay.
Ang mga laro ng ‘Ragipon Cup’ ay isinasagawa lang tuwing araw ng Linggo upang mabigyan ng pagkakataon ang karamihan sa mga Sibalenhon na nasa siyudad lalo na ‘yong mga nagtatrabaho, na maki-partisipar, makapaglaro at makapanood sa taunang paligsahan.
Sa panayam ng Romblon News kay Ms. Cheryl Faderogao-Fabregas, isa sa mga opisyal ng ‘Ragipon 2015’, sinabi n’ya na masaya sila dahil marami lagi ang nakikilahok, dumadalo at sumusuporta sa ganitong taunang aktibidad dahil isa rin ito sa kanilang mga paraan para mas magkaroon pa ng matatag na pagkakaisa, mas maging magkakalapit, at magkakakilala ang bawat Sibalenhon tungo sa mas maunlad, matiwasay at nagkakaisang bayan ng Sibale.
Dagdag pa niya, nagiging matagumpay ang mga ganitong aktibidad dahil sa tiyaga at kawalan ng pagkamakasariling sakripisyo ng mga masisipag na taong nasa likod ng mga ganitong pagpupunyagi na mas lalo pang nakakapagbigay ng inspirasyon sa bawat Sibalenhon.
Nakiisa naman sa pagbubukas ng aktibidad na ito ang ilang konsehal ng Lipa City na sina Hon. Nonie Patmon, Hon. Don Linatoc, Hon. Joel Pua, Hon. Kaye Briones at si AGAP Party List Representative Hon. Congresswoman Nikki Briones, ganon din nang iba pang mga kilalang personalidad sa Sibale.
Magtatapos ang aktibidad na ito sa ika-13 ng Disyembre, 2015 sa Lipa City, Batangas, isang linggo matapos naman ang pagdiriwang ng kapiyestahan ng Immaculada Concepcion sa December 8 sa bayan ng Concepcion (Sibale Island), Romblon.