Hinihimok ng mga environmentalist ang mga opisyal ng Romblon magmula kay Governor Jose Riano hanggang sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na imbestigahan ang operasyon ng Altai Philippines Mining Corp sa Sibuyan Island, Romblon upang agad na mabigyang sagot ang katanungan ng mga Sibuyanong kontra sa mina.
Sa isang pahayag, sinabi ni Rodne Galicha, Executive Director ng Laudatu Si, na hihilingin ng kanilang grupo sa mga opisyal ng probinsya na magkaroon ng inquiry at dialogue.
“Magsusulat tayo sa Sangguniang Panlalawigan at kay Governor Otik Riano na imbestigahan at magkaroon ng hearing para pakinggan ang sentemento ng mga tao,” panawagan ni Galicha.
Sinabi nito na kung gugustuhin ay maaring magpatawag si Governor Jose Riano ng dialogue para na rin umano malaman ang totoong tayo ng mga pinuno ng probinsya sa nasabing isyu.
Ganito rin ang matagal nang panawagan ni Elizabeth Ibañez, Coordinator ng Sibuyanons Against Mining.
“We demand swift action from the local governments of the province and municipalities, and the pertinent government agencies such as the DENR and BFAR to stop the mining operations of the company and hold them accountable for their illegal activities,” pahayag nito.


































