Opisyal nang naipasa sa pamahalaang barangay ng Danao ang tinaguriang “Tulay ng Pag-asa” sa pamamagitan ng isang turn-over ceremony sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) at ng Barangay Danao.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Marvin Ramos ang kahalagahan ng maayos na pamumuno at patuloy na pagpapatupad ng mga proyektong nakatuon sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng Cajidiocan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Barangay Captain Greg Villanueva sa DSWD Kalahi-CIDSS, mga boluntaryo, at sa suporta ng pambansang at lokal na pamahalaan na naging daan upang maisakatuparan ang proyekto.
Personal ding dinaluhan ni DSWD MIMAROPA Assistant Regional Director Shiela Tapia ang nasabing aktibidad, kasama ang mga kinatawan ng DSWD mula sa lalawigan ng Romblon, upang saksihan ang pormal na pagbubukas ng tulay.
Ang Kalahi-CIDSS ay isang flagship community-driven development program ng DSWD na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran sa kanilang mga komunidad, tulad ng mga tulay, kalsada, at iba pang imprastrukturang nakatutulong sa kabuhayan at serbisyong panlipunan.
Layunin ng bagong tulay na mapadali ang paglalakad ng mga estudyante at residente, lalo na sa panahon ng tag-ulan, at mapabuti ang koneksyon ng mga komunidad sa Barangay Danao, na dati ay nahihirapan sa paglalakbay dahil sa mataas na tubig at maputik na daan.



































