Sa unang 100 araw ng panunungkulan ni Governor Trina Firmalo-Fabic, pangunahing tinutukan ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapalakas ng mga ospital at serbisyong pangkalusugan sa buong lalawigan.
Ayon sa ulat ng gobernadora, dinagdagan na ang bilang ng mga espesyalista sa mga district hospitals, habang may dentista na rin ang Romblon District Hospital (RDH) matapos ang ilang taong pagkakawalang serbisyo dental. Kasunod nito, isinusulong din na magkaroon ng dentista sa Banton at Concepcion kahit limang araw kada buwan upang mas mapalawak ang serbisyong medikal sa mga malalayong isla.
Isa sa mga pangunahing tagumpay sa unang tatlong buwan ng administrasyon ni Fabic ay ang pagpapaandar ng oxygen generating plant na matatagpuan sa Romblon Provincial Hospital (RPH). Ang planta ay naisaayos matapos kumpunihin ang mga electrical connection at iba pang bahagi ng pasilidad.
“Simula Agosto, nakapagpalabas na ito ng 508 oxygen tanks na nagamit sa limang ospital sa lalawigan,” ayon sa ulat. Inaasahan na kapag ganap nang makumpleto ang aplikasyon sa Food and Drug Administration (FDA), ay makakapag-supply na rin ang planta sa mga Rural Health Units (RHUs) at mga pribadong klinika.
Ipinaliwanag ni Fabic na malaking hakbang ito upang maiwasan ang pagkaantala sa suplay ng oxygen, lalo na sa panahon ng masamang panahon kung kailan nahihirapang maghatid ng supply mula sa Batangas o Maynila.
Bukod dito, nagpapatuloy ang mga libreng specialized medical missions sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, kabilang ang pediatric neurology check-up para sa mga batang may epilepsy, cerebral palsy, at hydrocephalus, na nakapaglingkod na sa mahigit 170 pasyente sa loob ng limang araw. Inihahanda na rin ang mga susunod na mission para sa mga may karamdaman sa mata, puso, at kalusugang pangkaisipan.
Kasabay ng mga programang ito, binigyang-diin ng gobernadora ang pagpapatupad ng no-balance-billing policy sa mga ospital ng lalawigan at ang pagkakaroon ng Governor’s Helpdesk sa bawat ospital upang agad matugunan ang hinaing ng mga pasyente.
“Malayo pa tayo sa antas ng serbisyong medikal na ating hinahangad, ngunit may mga pagbabago na. Unti-unti, binubuo natin ang pundasyon ng isang mas maayos, maaasahan, at makataong serbisyong pangkalusugan para sa bawat Romblomanon,” ani Fabic.



































