Naghahanda na ang Romblon State University (RSU) sa bayan ng Odiongan para sa 9th Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Culture and the Arts Festival na gaganapin sa susunod na linggo.
Ang nasabing festival ay taunang pagtitipon ng mga mag-aaral, artists, at cultural advocates mula sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) sa Southern Tagalog, na layong isulong ang sining, kultura, at pagkakaisa ng kabataang Pilipino.
Magsasama-sama ang mga delegado mula sa mga unibersidad na University of Rizal System (URS), Mindoro State University (MinSU), Occidental Mindoro State College (OMSC), Marinduque State University (MarSU), Southern Luzon State University (SLSU), Laguna State Polytechnic University (LSPU), University of the Philippines Los Baños (UPLB), Cavite State University (CavSU), Batangas State University (BatSU), Palawan State University (PSU), at Western Philippines University (WPU) para sa kompetisyon.
Bilang host institution, tiniyak ng RSU na magiging makulay at makabuluhan ang festival sa pamamagitan ng mga patimpalak sa musika, sayaw, teatro, visual arts, at iba pang kategorya na magpapakita ng galing at talento ng mga kabataang taga-Southern Tagalog.
Kabilang sa mga inaabangang bahagi ng pagdiriwang ang Festival King and Queen competition at ang ground demonstration, na magsisilbing highlight ng pagbubukas ng aktibidad.
Layunin ng STRASUC Culture and the Arts Festival na mapanatili ang diwa ng malikhaing pagpapahayag sa mga kabataan habang pinatitibay ang ugnayan ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa rehiyon sa pamamagitan ng kultura at sining.



































