Naglabasan at pansamantalang nagtipon sa open area ang mga estudyante at kawani ng Philippine Science High School–Mimaropa Region Campus sa Odiongan matapos maramdaman ang lindol na may lakas na magnitude 2.9 bandang alas-10:03 ng umaga noong Lunes.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang episentro ng pagyanig sa layong 16 kilometro hilagang-kanluran ng San Jose, Romblon.
Tiniyak ng PHIVOLCS na walang inaasahang aftershocks o structural damage mula sa naturang lindol.
Batay naman sa datos ng Odiongan Public Information Office, nakapagtala ng Instrumental Intensity I ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Odiongan, na indikasyon ng bahagyang pagyanig na halos hindi naramdaman ng karamihan.
Bumalik sa kanilang mga silid-aralan ang mga estudyante at kawani ng paaralan matapos tiyaking ligtas ang gusali.



































