Pormal na binuksan ngayong October 14, ang 9th Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Culture and Arts Festival sa Romblon State University (RSU), sa pamamagitan ng makulay na programa at seremonyang pinangunahan ni RSU President Dr. Merian Catajay-Mani.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Dr. Mani ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa kultura sa kabila ng pagkakaiba ng mga kalahok mula sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) sa rehiyon.

“Let’s see one another not as rivals but as fellow dreamers and stewards of culture,” ayon kay Dr. Mani.
“As we open the 9th STRASUC Culture and Arts Festival, let us remember that to celebrate culture is to affirm life and to appreciate art is to reclaim our humanity. Together let us transform tradition into inspiration,” dagdag pa nito.
Aabot sa mahigit 1,800 na kalahok ang dumating mula sa iba’t ibang SUCs sa Southern Tagalog Region, kabilang ang University of Rizal System (URS), Mindoro State University (MinSU), Occidental Mindoro State College (OMSC), Marinduque State University (MarSU), Southern Luzon State University (SLSU), Laguna State Polytechnic University (LSPU), University of the Philippines Los Baños (UPLB), Cavite State University (CavSU), Batangas State University (BatSU), Palawan State University (PSU), at Western Philippines University (WPU).
Bilang host institution, tiniyak ng RSU na magiging makulay, makabuluhan, at puno ng diwa ng sining at kultura ang festival sa pamamagitan ng mga patimpalak sa musika, sayaw, teatro, visual arts, at iba pang kategorya na magpapamalas ng talento at husay ng mga kabataang taga-Southern Tagalog.
Kabilang sa mga inaabangang tampok ng pagdiriwang ang Festival King and Queen Competition at Ground Demonstration, na magsisilbing highlight ng pagbubukas ng linggong puno ng sining, kultura, at pagkakaisa.



































