Layong makamit ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) ang 90% to 95% dependency sa renewable energy sources sa lalawigan ng Romblon, ayon kay Engr. Rene Fajilagutan, General Manager ng ROMELCO.
Sa ginanap na multistakeholder dialogue kaugnay sa Romblon’s Just Energy Transition Roadmap 2025–2040, ibinahagi ni Fajilagutan na unti-unti na nilang isinasakatuparan ang naturang plano sa pamamagitan ng pagtatayo ng hydro power plant sa Sibuyan Island at solar panel installations sa isla ng Romblon.
Paliwanag ng opisyal, layunin ng inisyatiba na bawasan ang pagdepende ng kooperatiba sa mga diesel engine ng National Power Corporation (NPC) at mapababa ang singil sa kuryente ng mga konsumer sa probinsya.
Ayon kay Fajilagutan, kung mas mataas ang bahagi ng renewable energy sa generation mix ng isang kooperatiba, mas mababa rin ang true generation cost ng kuryente kumpara sa kasalukuyang Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) na ipinatutupad sa mga off-grid areas gaya ng Romblon.
Sa kasalukuyan, nananatiling nasa ₱7.3900 kada kilowatt-hour (kWh) ang SAGR rate na sinisingil sa mga konsumer ng ROMELCO at TIELCO, batay sa itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Kabilang sa mga renewable energy projects ng ROMELCO ang 1.35 MW Cantingas Mini-Hydro Power Plant, 22 KW Biomass Gasifier Power Plant, 900 KW Wind Turbine Power Plant, at 200 KW Grid-Tied Distributed Rooftop Solar Projects kung saan nilalagyan ng mga solar panels ang bubong ng mga covered courts upang magsilbing karagdagang power source.
Samantala, ikinatuwa ni Maria Teresa Diokno, Executive Director ng Center for Power Issues and Initiatives (CPII), ang hakbang na ito ng ROMELCO at sinabing ito ang uri ng energy transition na nais nilang maisulong para sa mga off-grid communities tulad ng Romblon.
Dumalo sina Fajilagutan at Diokno sa nasabing multistakeholder dialogue, kung saan tinalakay ang mga hakbang tungo sa mas malinis, abot-kayang, at pangmatagalang suplay ng enerhiya para sa lalawigan.



































