Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa buong lalawigan ng Romblon habang nasa Masbate si Bagyong Opong na ngayo’y humina bilang isang Severe Tropical Storm.
Batay sa 5:00 AM advisory ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa may Palanas, Masbate. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 110 km/h at bugso hanggang 150 km/h habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h.
Dahil sa Signal No. 3, inaasahang makakaranas ang Romblon ng storm-force winds at malalakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha, landslide, at storm surge sa mga baybayin. Pinapayuhan ang mga residente na manatili sa ligtas na lugar at sumunod sa mga kautusan ng lokal na pamahalaan hinggil sa paglilikas at paghahanda.
Ayon sa PAGASA, tatawirin ni Opong ang Sibuyan Sea ngayong araw bago ito tumuloy patungong West Philippine Sea sa gabi o madaling araw ng Sabado.
Discussion about this post