Iginiit ng Malacañang na iginagalang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng mapayapang pagtitipon sa darating na Setyembre 21 rally, basta’t hindi lalabag sa umiiral na mga batas.
Sa pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi nitong kinikilala ng Pangulo ang hinaing ng taumbayan kaugnay ng mga ulat ng katiwalian sa mga flood control project.
Nakatakdang idaos ang mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Linggo, Setyembre 21. Ang pinakamalaking pagtitipon ay sa Luneta, Maynila alas-9 ng umaga at sa People Power Monument sa Quezon City alas-2 ng hapon, na tinaguriang “Trillion Peso March.”
Binigyang-diin ni Castro na iniutos na ng Pangulo ang masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng umano’y maanomalyang flood control projects. Kabilang dito ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tututok sa mga iregularidad sa nakalipas na sampung taon.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng Palasyo ang publiko na manatiling mapanuri at mapagmatyag upang hindi magamit ang mga lehitimong adbokasiya para sa pansariling interes ng ilang grupo.


































