Nasawi ang isang pulis mula sa Looc Municipal Police Station matapos maaksidente habang nagmomotorsiklo sa Barangay Calunacon, San Andres, Romblon madaling araw ng Lunes, Setyembre 8.
Kinilala ng Looc Public Information Office ang biktima na si Patrolman Jan Reymar Fetalvero, 31 anyos, at residente ng Barangay Agpudlos.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, dakong 12:30 ng umaga habang binabaybay ng biktima ang national road patungong Agpudlos, nawalan umano siya ng kontrol sa kanyang motorsiklo pagdating sa pakurbang bahagi ng daan sa Barangay Calunacon. Dumiretso umano ito sa kaliwang linya at bumangga sa puno sa gilid ng kalsada.
Ayon sa imbestigasyon, hindi agad napansin ang aksidente at natuklasan lamang ang biktima bandang alas-7 ng umaga nang makita itong nakahandusay malapit sa isang bahay.
Agad siyang dinala ng rescue team mula sa Bureau of Fire Protection-San Andres sa San Andres Municipal Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.




































