Naaresto ng mga operatiba ng Taguig police ang isang 31-anyos na lalaki na nahaharap sa kasong panggagahasa at kahalayan laban sa isang menor de edad sa isang operasyon sa Romblon noong Hulyo 1.
Kinilala ang akusado sa alyas na Lemuel, na naaresto sa Barangay Cambajao, Cajidiocan, Romblon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Byron San Pedro ng Taguig Family Court Branch 15 noong June 2.
Si Lemuel ay itinuturing na No. 2 most wanted ng Southern Police District (SPD) at nahaharap sa mga kasong statutory rape by sexual assault at acts of lasciviousness sa ilalim ng criminal case Nos. 9813 at 9814. Ang inirekomendang piyansa para sa kanyang paglaya ay P120,000 at P180,000.
Isinagawa ang pag-aresto ng Warrant and Subpoena Section ng Taguig police sa koordinasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station.
Dinala muna si Lemuel sa Sibuyan District Hospital para sa medical check-up at inaasahang ililipat pabalik sa Taguig City para sa kanyang pagkakakulong habang hinihintay ang pag-usad ng kaso sa korte.
Discussion about this post