Nanawagan ang mga awtoridad sa kalusugan sa publiko sa lalawigan ng Marinduque na regular na magpa-HIV test at maging tapat sa kanilang mga partner, kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa probinsya.
Ayon sa ulat ng Marinduque Provincial Health Office (PHO), umabot na sa kabuuang 132 ang mga naitalang kaso ng HIV sa Marinduque mula pa noong 1995, kabilang ang pitong bagong kaso na naitala mula Enero hanggang Marso ng taong 2025.
“Simula 1995 hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala na tayo ng 132 indibidwal sa Marinduque na nagpositibo sa HIV,” ayon kay Engineer Michael Laylay, HIV/AIDS coordinator ng PHO, sa isang seminar ukol sa HIV awareness na isinagawa sa Marinduque Electric Cooperative (MARELCO).
Sa naturang bilang, karamihan ng mga kaso ay mula sa age group na 25 hanggang 34 taong gulang (75 kaso). Mayroon ding tatlong kaso ng mga batang wala pang 15 taong gulang, 23 kaso mula edad 15 hanggang 24, 30 kaso mula edad 35 hanggang 49, at isang kaso ng higit 50 taong gulang.
Sa kabuuang kaso sa Marinduque, 126 ay lalaki at anim ay babae.
Batay sa mode of transmission, sinabi ng PHO na 81 kaso sa Marinduque ay mula sa pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki, 29 naman ang nakipagtalik sa parehong lalaki at babae, 19 ang mula sa heterosexual contact, isang kaso ang mula sa ina patungo sa anak sa pamamagitan ng breastfeeding, at dalawang kaso ang may hindi pa natutukoy na pinagmulan ng impeksyon.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa Marinduque, 13 ay overseas Filipino workers (OFWs), at 14 ang nasawi na dahil sa komplikasyon ng HIV. Sa kasalukuyan, 61 na pasyente sa lalawigan ang tumatanggap ng antiretroviral therapy (ART), na tumutulong upang humaba at gumanda ang kalidad ng kanilang buhay at maiwasan ang pagkalat ng virus.
Gayunman, sinabi ng PHO ng Marinduque na marami pa rin ang hindi nakakapagpagamot o nangangailangan pa ng tuloy-tuloy na suporta at monitoring.
“Magpakatotoo tayo sa ating mga partner, magtungo sa mga Rural Health Unit sa Marinduque para sa libreng HIV testing, at gumamit ng proteksyon gaya ng condom,” paalala ni Laylay.
Samantala, ayon kay Dr. Josephine Maria Coll ng Department of Health (DOH), ang maagang pag-detect ng impeksyon ay mahalaga upang mapigilan ang pagkalat nito.
“Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso sa lokal na antas gaya sa Marinduque, ang maagang detection sa pamamagitan ng regular na testing ay susi hindi lamang sa agarang paggamot kundi upang mapigilan din ang pagkalat ng virus,” ani Coll.
Binigyang-diin din ni DOH Program Development Officer II Laarni Mayamaya na ang stigma ay isa pa ring pangunahing hadlang sa HIV prevention at treatment.
“Kailangan nating gawing normal ang usapin tungkol sa sexual health. Sa ganitong paraan, mahihikayat natin ang mas maraming tao sa Marinduque na magpatest at magpagamot nang walang takot,” aniya.
Mananatiling malaking hamon ang HIV sa sektor ng kalusugan sa buong bansa, at maging sa Marinduque, na bahagi ng rehiyon ng MIMAROPA. Ayon sa United Nations, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV sa rehiyon ng Asia-Pacific. (DN/AS/PIA MIMAROPA–Marinduque)