Iniimbestigahan na ng Provincial Health Office (PHO) ng Romblon ang ulat kaugnay ng pagpositibo sa Covid-19 sa pamamagitan ng Rapid Antigen Test sa isang anim na buwang gulang na batang babae matapos dalhin sa isang pribadong ospital sa Odiongan.
Ang naturang bata ay residente ng bayan ng San Agustin, Romblon.
Sa inilabas na pahayag ng PHO, kasalukuyan na nilang mino-monitor ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), Local Government Unit (LGU), at sa ospital kung saan isinailalim sa pagsusuri ang bata.
Ayon sa opisina, maayos ang kalagayan ng bata at kasalukuyang may sintomas ng diarrhea.
Nanawagan ang PHO sa publiko na manatiling kalmado at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Pinayuhan din ng PHO ang publiko na magsuot ng face mask lalo na sa pampublikong lugar, maghugas ng kamay nang regular, at manatili sa bahay kung may nararamdamang sakit.
Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad.