Isinasapinal na ng Department of Science and Technology (DOST) MIMAROPA katuwang ang University of the Philippines Diliman ang Romblon Marble Industry Roadmap, isang 10-year strategic plan na naglalayong palakasin at pagyamanin ang industriya ng marmol sa lalawigan ng Romblon.
Sa ginanap na review nitong Lunes, Abril 7, tinalakay ang draft ng roadmap na binuo mula pa noong nakaraang taon.
Si DOST Secretary Renato Solidum Jr., na tubong Romblon, mismo ang nanguna sa pagsusuri ng plano kasama ang iba’t ibang stakeholders.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng roadmap ang pagbuo ng Marble Industry Strategy Council upang pangasiwaan at tiyakin ang maayos na pagpapatakbo ng industriya. Nakapaloob din dito ang pagpapalakas ng local market at pagpapalawak ng distribusyon sa regional, national, at international markets. Upang mapataas ang kalidad ng mga produkto, bahagi rin ng plano ang pagpapaganda ng disenyo ng mga marble crafts at ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga manggagawa.
Ayon kay Secretary Solidum, bagama’t kilala na ang Romblon sa dekalidad na marmol, hindi pa rin ganap na umuunlad ang industriya kaya’t mahalagang magkaroon ng malinaw na direksyon at suporta mula sa pamahalaan. Aniya, culturally, ang marmol ay bahagi na ng pagkakakilanlan ng Romblon, ngunit hindi natin maitatanggi na marami pang kailangang gawin upang ganap itong umunlad.
“Marami pang kailangang gawin, pero sa tingin ko, ang pakikipagtulungan ng bawat isa ay napakaimportante. Kaya naman, ang pagtatatag ng industry council ng marmol ay magiging mahalaga sa pagpapatakbo at pagpapatupad ng roadmap,” pahayag ni Secretary Solidum.
Ang Romblon ay tinaguriang “Marble Capital of the Philippines” dahil sa pagkakaroon nito ng world-class na high-grade marble, na maihahambing sa Carrara Marble ng Italy at ilan sa mga marmol na nagmumula rito ay ini-export sa ibang bansa gaya ng Japan, China, at United States.
Dumalo rin sa review ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na may negosyo sa larangan ng marble processing at craftsmanship. Marami sa kanila ang nagpasalamat sa DOST at UP Diliman sa pagbibigay ng teknikal na tulong upang mapabuti ang kanilang produkto.
Kapag natapos na ang roadmap, ito ay ituturn-over sa lokal at panlalawigang pamahalaan upang mapagtibay ang mga polisiya at maipatupad ang mga estratehiyang nakapaloob dito.
“Ang gagawin natin ay isang magandang simula. Kailangan nating magmungkahi ng mga polisiyang makakatulong sa industriya, tulad ng pagsisiguro na maganda ang kalidad ng mga ibinebenta, na ang mga manggagawa ay maayos na nasasanay, at na ang paglalabas ng mga materyales mula sa Romblon ay mahigpit na namo-monitor,” dagdag pa ni Solidum Jr.
Sa pamamagitan ng roadmap na ito, umaasa ang DOST, UP Diliman, at ang mga stakeholders na muling sisigla at magiging mas globally competitive ang Romblon Marble Industry sa mga darating na taon.