Ipinahayag ni Butchoy Arevalo, kandidato sa pagka-bise alkalde ng Odiongan, ang kanyang layunin na bigyang-prayoridad ang food security at suplay ng tubig sa bayan, kasabay ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Ayon kay Arevalo, hindi lamang usapin ng pambansang pamahalaan ang seguridad sa pagkain kundi isang mahalagang isyu rin na kailangang tugunan sa lokal na antas.
Aniya, kailangang palakasin ang suporta sa mga magsasaka upang mapanatili at mapabuti ang suplay ng pagkain sa Odiongan.
“Una po ang pagtugon sa food security, hindi lamang ito usaping national kundi concern din ng mga lokal na pamahalaan. Kailangang palakasin natin ang ating agrikultura at suporta sa ating mga farmers,” ani Arevalo.
Bukod sa sektor ng agrikultura, binigyang-diin din ni Arevalo ang pangangailangang lumikha ng mga batas at programa na angkop sa kasalukuyang panahon, partikular na ang patuloy na suliranin sa suplay ng tubig.
“Siguro napapansin din ninyo, kailangan natin magsagawa ng mga batas na naaayon sa panahon ngayon tulad nang tungkol sa concern sa tubig na higit na kailangan ngayon,” dagdag niya.
Nais niya umano itong tutukan upang masigurong may sapat na suplay ang bawat tahanan at kabuhayan sa Odiongan habang patuloy na lumalaki ang populasyon ng bayan.