Isinusulong ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala ang pagbibigay ng medical health insurance para sa mga magsasaka at mangingisda upang matiyak na may sapat silang tulong pinansyal sakaling magkasakit o maaksidente.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Dimaala na madalas na nagkakasakit ang mga magsasaka at mangingisda dahil sa bigat ng kanilang trabaho at ang kawalan ng sapat na pondo para sa pagpapagamot ay nagiging dagdag na pasanin sa kanila at kanilang pamilya.
“Higit sa lahat, bibigyan natin sila ng insurance, yang ating mga mangingisda at magsasaka. Sapagkat minsan yan sila nagkakasakit at walang mapagkunan ng pambayad, kawawa naman po,” pahayag ni Dimaala.
Ayon kay Dimaala, ang pagkakaroon ng maayos na health insurance ay makakatulong upang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka at mangingisda sa pagpapagamot, lalo na sa mga emergency na sitwasyon.
Bukod sa insurance, binanggit din ni Dimaala ang plano niyang suportahan ang sektor ng agrikultura at pangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda tulad ng makinarya, binhi, abono, bangka, makina, at lambat.