Natapos na ang mga qualifying tournament para sa FIBA Asia Cup 2025, na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia, mula Agosto 5–17, 2025. Bagama’t hindi naipanalo ng Gilas Pilipinas ang kanilang huling dalawang laro laban sa Chinese Taipei at New Zealand, pasok pa rin ang ating pambansang koponan matapos tapusin ang qualifying tournament na may 4-2 record, sapat upang makuha ang isang pwesto sa prestihiyosong torneo.
Makakasama ng Gilas Pilipinas ang mga powerhouse teams ng Asia-Pacific, kabilang ang Australia, New Zealand, China, Iran, Korea, Japan, Jordan, Lebanon, Syria, Qatar, at ang host country na Saudi Arabia. Ang tatlong nangungunang koponan sa FIBA Asia Cup 2025 ay awtomatikong magku-qualify para sa FIBA Basketball World Cup 2027, na gaganapin sa Qatar. Kasama nila ang iba pang mga bansang magwawagi sa kanilang mga rehiyonal na FIBA tournaments, tulad ng FIBA Americas, FIBA EuroBasket, at FIBA AfroBasket.
Bagama’t hindi naging maganda ang pagtatapos ng Gilas sa kanilang huling apat na laro—kabilang ang dalawang tune-up games kontra Lebanon at Egypt, pati na rin ang dalawang laban sa 3rd window ng FIBA Asia Cup qualifying tournament laban sa Chinese Taipei at New Zealand—ito ay isang pagkakataon upang makabuo ng mas solidong lineup para sa nalalapit na torneo.
Bago ma-injure ang big man na si Kai Sotto, maayos ang naging takbo ng koponan sa ilalim ng pamumuno ni Coach Tim Cone. Sa katunayan, nagsimula ang Gilas sa 4-0 record bago matalo sa dalawang magkasunod na laban. Ngayon, may oras pa ang Gilas upang makapag-adjust at paghandaan ang mas matitinding laban sa FIBA Asia Cup 2025.