Magbabalik aksyon ang pambansang koponan ng bansa sa basketball, ang Gilas Pilipinas, para sa huling serye ng FIBA Asia Cup Qualifying Tournament, ang 3rd window. Sa pagkakataong ito, parehong away games ang haharapin ng Gilas sa kanilang huling dalawang laban. Una, tutungo sila sa Taipei Heping Basketball Gymnasium sa Taiwan upang harapin ang Chinese Taipei sa Pebrero 20, 2025, alas-7 ng gabi (Philippine Time). Sa Pebrero 23, 2025 naman, lalaban ang Gilas kontra sa Tall Blacks ng New Zealand sa Auckland Spark Arena, alas-10 ng umaga (Philippine Time).
Sa kasalukuyan, may malinis na rekord ang Gilas Pilipinas na 4-0. Bagamat kwalipikado na sila sa FIBA Asia Cup 2025 na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia sa Agosto, nais nilang tiyakin ang mataas na seeding sa paparating na torneo. Kaya naman, mahalaga pa rin para sa kanila na maipanalo ang kanilang huling dalawang laro.
Sa kabila ng kanilang determinasyon, tila magiging dehado ang Gilas sa 3rd window. Bukod sa paglalaro sa home court ng kanilang mga kalaban, mawawala rin ang kanilang big man na si Kai Sotto dahil sa injury.
Bilang paghahanda, sumabak muna ang Gilas sa tatlong tune-up games. Tinalo nila ang Qatar National Team, 74-71, ngunit natalo sila sa Lebanon National Team, 75-54, at muling nabigo kontra Egypt National Team, 86-55.
Pangungunahan muli ni Justin Brownlee ang Gilas Pilipinas, kasama sina Junemar Fajardo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, AJ Edu, Mason Amos, Calvin Oftana, CJ Perez, Chris Newsome, Dwight Ramos, Carl Tamayo, ang nagbabalik na si Troy Rosario, at ang galing sa injury na si Kevin Quiambao. Patuloy silang gagabayan ni Coach Tim Cone.
Makakasama ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2025 ang mga naunang nag-qualify na koponan tulad ng host nation Saudi Arabia, Australia, Japan, New Zealand, Lebanon, at Jordan.