Inaasahan ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong paparating na weekend, Enero 3-5, 2025, na aabot sa tinatayang 674,000, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA). Ang prediksyong ito ay batay sa datos mula noong nakaraang taon.
Mula Disyembre 15, 2024, hanggang Enero 2, 2025, naitala ang higit 3.6 milyong pasahero sa mga pantalan, na posibleng madagdagan pa dahil sa mga magbabalik matapos ang holiday break.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, handa ang mga pantalan para sa dagsa ng mga pasahero. Ipinatupad ang mahigpit na seguridad at pinaalalahanan ang publiko na mag-book ng maaga upang maiwasan ang mahabang pila sa ticketing booth.
“Nakahihingi po kami ng pasensya sa mga kababayan natin, pero talagang dagsa ang mga pasahero. Pinapalawig po ang biyahe ng mga barko upang maserbisyuhan ang lahat,” ani GM Santiago.
Patuloy na naka-heightened alert ang seguridad sa mga pantalan, kung saan 3,000 security forces, K-9 units, 24/7 CCTV monitoring, at Malasakit helpdesks ang inilaan para sa kaligtasan ng publiko.
Sa kabila ng paalala ng PPA, may mga nakumpiskang matatalim na gamit at paputok, kabilang ang insidente sa Dumangas Port noong Disyembre 31, kung saan nasabat ang paputok mula sa isang pasahero patungong Bacolod.
Kabilang sa mga Port Management Offices (PMOs) na may pinakamataas na bilang ng pasahero ay ang Batangas, Bohol, Davao, Negros Oriental/Siquijor, at Bicol.
Discussion about this post