Bagamat malayo pa ang araw ng selebrasyon para sa ika-50 anibersaryo ng Philippine Basketball Association (PBA), ang proseso ng pagpili ng dagdag na 10 manlalaro sa listahan ng 50 Greatest PBA Players of All Time ay opisyal nang sinimulan ngayong simula ng 2025.
Ang PBA, ang kauna-unahang professional basketball league sa Asya, ay magdiriwang ng kanilang Golden Anniversary sa Abril 9, 2025.
Ang pangunahing kriteria para mapabilang sa prestihiyosong listahan ay ang mga sumusunod: pagiging MVP ng liga, pagkamit ng major awards, pagiging lider sa koponan at sa liga, pagtulong sa pagkapanalo ng championship, at pagkakaroon ng positibong epekto sa koponan, liga, fans, at komunidad.
Noong 2000, pinarangalan ang unang 25 Greatest PBA Players: Johnny Abarientos, Bogs Adornado, Ato Agustin, Francis Arnaiz, Ricardo Brown, Allan Caidic, Hector Calma, Philip Cezar, Atoy Co, Jerry Codiñera, Kenneth Duremdes, Bernie Fabiosa, Ramon Fernandez, Danny Florencio, Abet Guidaben, Freddie Hubalde, Robert Jaworski, Jojo Lastimosa, Lim Eng Beng, Samboy Lim, Ronnie Magsanoc, Vergel Meneses, Manny Paner, Alvin Patrimonio, at Benjie Paras.
Sa 2015, idinagdag sa listahan para sa ika-40 anibersaryo ng PBA sina Danny Ildefonso, Willie Miller, James Yap, Asi Taulava, Eric Menk, Kelly Williams, Jayjay Helterbrand, Jimmy Alapag, Mark Caguioa, Arwind Santos, Jayson Castro, Marc Pingris, Kerby Raymundo, Chito Loyzaga, at Marlou Aquino.
Gayunpaman, ang seleksyon noong 2015 ay nabalot ng kontrobersiya. Maraming PBA legends ang nagtanong kung bakit kasama ang mga aktibo pang manlalaro noon tulad nina Kerby Raymundo, Marc Pingris, Marlou Aquino, at Kelly Williams, sa halip na sina Nelson Asaytono, Abe King, Bong Hawkins, at Olsen Racela. Sa kabila nito, pinanindigan ng PBA ang kanilang desisyon.
Ngayong 2025, isa sa mga pinag-uusapan ay ang mga manlalarong dati nang nabanggit ngunit hindi nakapasok noong 2015, tulad nina Nelson Asaytono, Bong Hawkins, Abe King, at Olsen Racela. Kasama rin sa talakayan sina Yoyoy Villamin, Dondon Hontiveros, Jeffrey Cariaso, Junemar Fajardo, Danny Seigle, Scottie Thompson, Gary David, Renren Ritualo, Ranidel De Ocampo, Gabe Norwood, LA Tenorio, Paul Alvarez, at Arnie Tuadles.
Kung ang kriteria ang pagbabasehan, malaki ang tsansa nina Junemar Fajardo at Scottie Thompson na mapasama agad, kaya walong manlalaro na lang ang kailangang piliin mula sa iba pang pangalan.
Kasabay nito, bibigyan din ng parangal ang mga head coach na nakapanalo ng PBA Grand Slam. Kabilang dito si Baby Dalupan (1976 Crispa Redmanizers), Tommy Manotoc (1983 Crispa Redmanizers), Norman Black (1989 San Miguel Beer), at Tim Cone (1996 Alaska Milkmen at 2014 San Mig Coffee Mixers).
Ang PBA, na nagsimula noong 1975, ay nananatiling simbolo ng tagumpay sa professional basketball sa Asya. Ang nalalapit nitong Golden Anniversary ay magiging isa sa pinakamalaking pagdiriwang sa kasaysayan ng liga.
Discussion about this post