Dalawang bata ang nailigtas mula sa pagkalunod ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cajidiocan sa Barangay Poblacion, Cajidiocan, Romblon noong ika-21 ng Disyembre.
Ayon sa ulat ng Philippine Coats Guard, isang Barangay Kagawad ang nag-ulat ng insidente, na naging sanhi ng agarang pag-aksyon ng CGSS Cajidiocan sa pamamagitan ng isang search and rescue (SAR) operation. Sa kanilang pagdating, nakita ng SAR team ang dalawang bata na lumalaban sa malalakas na alon. Ang mga bata ay parehong walong taong gulang at residente ng Barangay Poblacion.
Agad na tumalon sa tubig si Seaman First Class (SN1) Rico ng CGSS Cajidiocan upang sagipin ang mga bata. Matagumpay niyang nailapit ang mga ito sa ligtas na lugar at itinurn-over sa Kapitan ng Barangay sa pantalan. Parehong nasa maayos na kalagayan ang mga bata at naihatid sa kanilang mga tahanan.
Sa kabila ng tagumpay ng operasyon, nasugatan si SN1 Rico nang tangayin siya ng malalakas na alon laban sa isang sea wall habang umaakyat pabalik sa pantalan.
Dinala siya sa Sibuyan District Hospital, kung saan siya na-diagnose na may hypothermia at mga pinsala sa dibdib. Patuloy siyang inoobserbahan at sumasailalim sa karagdagang pagsusuri upang matukoy ang lawak ng kanyang mga natamong sugat.
Pinuri ni Commodore Geronimo Tuvilla PCG, Commander ng Coast Guard District Southern Tagalog, si SN1 Rico para sa kanyang kabayanihan at dedikasyon sa pagliligtas ng buhay. Ayon kay Tuvilla, ang ginawa ni Rico ay patunay ng di-matatawarang serbisyo ng PCG sa publiko.
Bilang paalala, hinihikayat ng PCG ang publiko na mag-ingat sa anumang aktibidad sa tubig, lalo na tuwing masama ang panahon. Hinimok din nila ang mga magulang at tagapag-alaga na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa malapit sa tubig at tiyaking hindi sila iniiwang mag-isa habang naliligo.