Nahuli ng mga awtoridad ang dalawang umano’y fixer na nangongotong sa mga biyahero sa Batangas Port.
Ayon sa pahayag ng Philippine Coast Guard-Batangas nitong besperas ng pasko, nasakote ang mga suspek habang aktong nanghihingi ng suhol mula sa mga pasaherong may dalang sasakyan. Nangako umano ang mga ito ng mas mabilis na proseso at prayoridad sa pagsakay.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang tunay na P500 na pera, apat na pekeng P500 bill, at isang Samsung keypad mobile phone.
Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng ulat ukol sa dalawang fixer na naniningil ng ₱2,500 hanggang ₱5,000 mula sa mga may-ari ng sasakyan kapalit ng mabilis na pagpasok sa pantalan. Ang mahabang pila ng mga sasakyan sa pantalan ay dulot ng dagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.
Sa ulat ng ABS-CBN News, ibinahagi ng isang biktima, isang motorcycle rider mula Sto. Tomas, Batangas, na nilapitan siya at ang dalawa pang motorista ng mga fixer habang nasa pila. Inalok umano sila na pabilisin ang kanilang proseso ng pagsakay kapalit ng ₱1,000.
Kinumpiska rin ng maritime authorities ang mga cellphone at marked money ng mga suspek bilang ebidensya. Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung may kaugnayan ang mga security guard ng Batangas Port sa naturang modus.