Nagsagawa ang bayan ng Cajidiocan ng isang Post Solemn Activity noong Oktubre 28, bilang pag-alala sa “Battle of Sibuyan Sea” na naganap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang paggunita ay alinsunod sa Proclamation No. 45 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III, na nagtatakda ng taunang pagkilala sa makasaysayang labanan.
Dumalo sa programa si Mayor Arthur Rey Tansiongco ng Magdiwang, at sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, katatagan, at pagkilos sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng mga Sibuyanon.
“Ang kaganapang ito ay hindi lamang tungkol sa pag-alala sa nakaraan. Ito ay tungkol sa pagpapatuloy ng espiritu ng ating mga ninuno na humarap sa makasaysayang hamon na ito nang may tapang at determinasyon,” pahayag pa nito.
Dumalo din bilang kinatawan ng Cajidiocan si Vice Mayor Ken Rabino at si Jerome Madrona naman ang pinadala ng San Fernando.
Matatandaang ang Battle of Sibuyan Sea, na naganap noong Oktubre 24, 1944, ay naging hudyat ng Battle of Leyte Gulf kung saan napalubog ng mga puwersa ng Estados Unidos ang barkong pandigma ng Japan na “Musashi.” Sa taong ito ay ginugunita ang ika-80 anibersaryo ng makasaysayang labanan, na nagsisilbing paalala sa mga sakripisyo ng mga lumaban para sa kalayaan.
Ang aktibidad na ito ay nagsilbing plataporma upang ipaalala ang kwento ng pag-asa at determinasyon ng mga Sibuyanon na patuloy na nagpapatuloy ang pamana ng kanilang mga ninuno sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap ng kanilang komunidad.