Nakipag-usap na ang pamahalaang barangay ng España sa contractor ng quarry site sa Olango River tungkol sa pagdumi ng tubig sa ilog na nagiging kulay tsokolate. Ayon kay Kapitana Marie Ann Roldan, nakipag-ugnayan na siya sa mga contractor sa Sitio Olango, gayundin sa bagong proyekto sa Punong River malapit sa Dagubdob Falls, na tinatawag na “Gina-gina” ng mga taga-Sitio Cross Country.
Sinabi ni Roldan na layunin ng kanilang pakikipag-usap sa contractor na makahanap ng solusyon upang maiwasan ang muling pagbabara ng tubig. Sa mga dokumento mula sa quarry site, nabigyan ang contractor ng Environmental Compliance Certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Isang Stephanie Roldan ang nakapangalan sa naturang dokumento, na anak ni Kapitana Roldan.
Sa isang panayam, inamin ni Roldan na ang mga quarry ay unang nakapangalan sa kanya noong 2016, ngunit inilipat niya ito sa pangalan ng kanyang anak nang siya ay pumasok sa politika.
Ayon kay Rodne Galicha, isang environmentalist, mahalaga na maglabas ng status quo ang lokal na pamahalaan hangga’t hindi nalulutas ang isyung ito. Binanggit din niya na ang kasalukuyang extraction ng mga aggregates ay hindi tumutugma sa aprubadong Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng San Fernando, Romblon.