Magbabalik na ang National Basketball Association (NBA), ang pinakapinapanood at pinakakaabangang basketball liga sa buong mundo, para sa 2024-2025 season sa October 23, 2024. Gaya ng mga nakaraang season, puno ito ng excitement mula sa mga trades, draft picks, at free agent signings ng bawat isa sa 30 teams.
Isa sa mga inaabangang bahagi ng bagong season ay ang mga rigodon ng mga superstar na lumipat sa iba’t ibang teams. Kasama rito si DeMar DeRozan na maglalaro na para sa Sacramento Kings, Chris Paul na nasa San Antonio Spurs na, Klay Thompson sa Dallas Mavericks, Karl-Anthony Towns sa New York Knicks, Paul George sa Philadelphia 76ers, Julius Randle sa Minnesota Timberwolves, Alex Caruso sa Oklahoma City Thunder, at si Russell Westbrook sa Denver Nuggets.
Hindi rin pahuhuli ang mga rookies na na-draft noong nakaraang NBA Draft. Nanguna dito si Zaccharie Risacher, 6’9 forward, na napili bilang No.1 overall pick ng Atlanta Hawks, Alexander Sarr bilang No. 2 pick ng Washington Wizards, Reed Sheppard ng Houston Rockets, Stephon Castle ng San Antonio Spurs, at Ron Holland ng Detroit Pistons bilang No. 5 pick.
Bukod sa mga bagong mukha, mananatiling haligi ng kani-kanilang koponan ang mga superstar na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown para sa defending champions Boston Celtics, LeBron James at Anthony Davis para sa LA Lakers, Nikola Jokic at Jamal Murray para sa Denver Nuggets, Jimmy Butler at Bam Adebayo ng Miami Heat, Stephen Curry at Draymond Green ng Golden State Warriors, Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard ng Milwaukee Bucks, De’Aaron Fox at Domantas Sabonis ng Sacramento Kings, Luka Doncic at Kyrie Irving ng Dallas Mavericks, at marami pang iba.
Magbubukas ang season sa isang mainit na laban sa pagitan ng New York Knicks at Boston Celtics. Iba-bandera ng Knicks ang kanilang bagong recruit na si Karl-Anthony Towns, kasama sina Jalen Brunson, OG Anunoby, Mikal Bridges, at Josh Hart, laban sa mga defending champions na Boston Celtics na pinangungunahan nila Jayson Tatum, Jaylen Brown, Kristaps Porzingis, Jrue Holiday, at Al Horford. Magkakaroon din ng championship ring ceremony at banner presentation para sa Celtics bago ang laban.
Susundan ang laban ng LA Lakers kontra Minnesota Timberwolves. Patuloy na sasandal ang Lakers sa tambalang LeBron James at Anthony Davis. Ito na ang ika-21 season ni LeBron James, na 39 years old na, at maaaring makasama niya sa lineup ang anak niyang si Bronny James, na nasa preseason roster ng Lakers. Kapag nangyari ito, sila ang magiging unang father-and-son tandem sa NBA history.
Inaasahan ding magiging malakas ang Minnesota Timberwolves ngayong season, lalo na’t lumalakas na ang laro ng kanilang batang superstar na si Anthony Edwards, at mas maayos na ang pag-adjust ni Rudy Gobert. Idagdag pa rito ang presensya nina Julius Randle at Donte DiVincenzo, na nagpapataas ng tsansang makarating sila sa NBA Finals ngayong taon.
Ang NBA games ay mapapanood sa Pilipinas sa NBA TV Philippines, Pilipinas Live App via Cignal, at One Sports.