Bumida ang mga creative artists na estudyante ng Romblon State University (RSU) sa pagdiriwang ng Philippine Creative Industries Month ngayong taon, na ginanap sa RSU Main Campus noong Setyembre 26-27, 2024, katuwang ang Department of Trade and Industry – Romblon.
Ibinida ng mga estudyante ang kanilang mga obra tulad ng mga tula, painting, drawing, at digital arts sa dalawang araw na exhibit.
Kasabay ng exhibit, nagkaroon din ng iba’t ibang aktibidad tulad ng quiz bee at fashion show, at seminar na nagbigay-daan sa mga kalahok na higit pang linangin ang kanilang mga talento.
Ginamit din ng mga estudyante ang mga basura upang makalikha ng malikhaing obra na sumasalamin sa iba’t ibang Sustainable Development Goals (SDGs). Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang kahusayan at malikhaing pag-iisip sa paggawa ng mga kapaki-pakinabang na bagay mula sa mga itinapong materyales.
Ang pagdiriwang, na may temang “We Are A Creative Nation,” ay naglalayong ipamalas ang natatanging talento ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan ng sining.
Sa isang pahayag, sinabi ni DTI Romblon chief Orville Mallroca na ang mga kabataang Romblomanon ang kinabukasan ng creative economy.
Layunin ng Philippine Creative Industries Month (PCIM) na paigtingin ang pagtutulungan, magbigay ng inspirasyon, at linangin ang mga kakayahan at talento ng bawat isa sa loob ng RSU campus.